2 linggo bago mag-Undas: Taas-presyo ng bulaklak sa Dangwa umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2018 04:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kulang dalawang linggo pa bago ang Undas pero tumaas na ang presyo ng ilang bulaklak sa Dangwa sa Maynila. 

Ito'y epekto pa rin umano ng pagkasira ng mga taniman sa Baguio.

Kuwento ng isang may puwesto sa Dangwa na si Jomar Badrena, mahirap umano magbenta ngayon dahil mataas ang presyo ng bulaklak.

Epekto pa rin daw ito ng bagyong Ompong na nakasira sa mga taniman sa Baguio City.

"Mahirap kasi mataas 'yung presyo, pero 'yung arranged namin di namin mataasan. Maliit na kasi kita," aniya. 

Linggo-linggong taas-baba ang presyo ng bulaklak sa Dangwa pero ayon sa mga nagtitinda ay tuloy-tuloy na ang pagtaas nito hanggang Undas.

Ang roses na nabibili dati nang P150 kada dosena ay nasa P250 na ngayon.

Ang mums na dating P100 kada tali ay nasa P150 ngayon.

Ang bungkos ng orchids na dating mabibili sa P400 ay nasa 500 pesos na.

Ang sunflowers na P100 kada piraso, nasa P150 na.

Si Nemabelle Balse na wholesale bumibili sa Dangwa at nagbabiyahe ng bulaklak sa Daet, Camarines Norte para doon ibenta, dumadaing din sa pagtaas ng presyo.

Kuwento niya, hindi niya nauubos ang mga binebentang bulaklak kaya bago pa malanta, pinamimigay na lang niya ito.

"Minsan puwede i-donate na lang sa simbahan or bigay na lang, discount na 'yun," daing niya.

Umaasa ang mga nagtitinda na dadami ang mga mamimili limang araw bago ang Undas.

—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.