Transport strike, hindi bahagi ng destabilization: Piston

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2017 04:00 PM | Updated as of Oct 17 2017 12:08 AM

Itinanggi ng pinuno ng transport group na Piston na bahagi ng planong "destabilization" laban sa pamahalaan ang ikinasa nilang tigil-pasada nitong Lunes, Oktubre 16.

Pinabulaanan ni George San Mateo ng Piston ang paratang ni Atty. Aileen Lizada, board member ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na posibleng bahagi ng "destabilization" o panggugulo sa gobyerno ang kilos-protesta ng mga transport group.

Katuwiran ni Lizada, karamihan sa mga lumahok sa protesta ay mula sa mga sektor ng manggagawa at mga left-leaning o makakaliwang grupo.

Depensa naman ni San Mateo, sinusuportahan lamang ng mga sumaling pangkat ang mga driver at operator ng mga jeep sa kanilang pagkilos.

"Diversionary tactic na lang 'yan para hindi mapag-usapan ang isyu," ani San Mateo sa programang "Kabayan" ng DZMM.

Dagdag ni San Mateo, pangunahing layunin pa rin ng kanilang prosteta na ipakita ang pagtutol sa jeepney phaseout at modernization.

Alas-6 pa lang ng umaga'y nagtipon-tipon na ang mga driver at operator sa Monumento Circle sa Caloocan upang makilahok sa protesta.

Anila, magdamag silang mananatili sa rotonda upang ipanawagang huwag nang palitan at sa halip ay i-rehabilitate o ipaaayos na lamang ang kanilang kasalukuyang jeepney units.

May ilang tauhan mula sa Northern Police District ang nakabantay upang tiyaking payapa at maayos ang protesta.

Bukod sa Monumento, kabilang sa ibang transport strike points sa Metro Manila ang Cubao sa Quezon City at España Boulevard sa Maynila.

Kuha ni Cherry Palma

Sa Iloilo, idinaan sa caravan ng nasa 20 jeepney units sa ilalim ng Piston-Panay ang kanilang hinaing.

Inikot ng caravan ang mga kalsada habang ipinapahayag ang kanilang reklamo kontra pagtaas ng presyo at dagdag-buwis sa langis.

Ayon sa mga pinuno ng Piston-Panay, kinulang sila sa paghahanda para sa malawakang protesta.

Nagbigay din daw sila ng konsiderasyon sa mga malalaking okasyong kasalukuyang idinadaos sa rehiyon gaya ng Masskara Festival.

Mga pumasada, hinarang

Hinarang naman ng mga kalahok sa protesta ang ibang mga pampublikong sasakyang patuloy na namasada sa Butuan City.

Pinababa umano ng mga demonstrador ang mga pasahero at pinagsabihan ang mga nagmamaneho.

Pero ayon sa lokal na sangay ng Department of Transportation (DOTr), ilegal ang pagharang sa mga namamasadang sasakyan.

Pa-iimbestigahan ng DOTr ang insidente.

Nagtalaga ang Piston ng 11 transport strike points sa siyudad.

Sumama sa protesta ang mga driver at operator ng mga motorized tricycle, jeepney, at passenger van.

Tinatayang nasa 17 lokal na asosasyon ang nakikiisa sa transport strike sa buong Caraga.

Kuha ni Micaela Ilao

Sa Baguio City, halos 100 jeepney drivers at operators ang nagprotesta sa kahabaan ng Session Road.

90% paralisado

Dahil sa tigil-pasada, sinuspende ng Malacañang ang trabaho sa gobyerno at pasok sa lahat ng antas sa mga paaralan sa buong bansa nitong Lunes, Oktubre 16.

Ipinagmalaki naman ni San Mateo na naparalisa ng transport strike ang 90% ng NCR at ibang bahagi ng bansa.

Kung hindi sila pakikinggan ng gobyerno, itutuloy ng Piston ang kilos-protesta hanggang Martes, Oktubre 17.

Pero para sa LTFRB, bigo ang Piston na paralisahin ang transportasyon sa Kamaynilaan.

Wala pa nga raw 1% ng mga pasahero ng jeepney ang apektado ng tigil-pasada.

Una nang nagbanta ang LTFRB na tatanggalan ng prangkisa ang mga lalahok.

-- May ulat nina Rodge Cultura, Micaela Ilao, Jacque Manabat, Kevin Manalo, Cherry Palma at Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.