Sementeryo sa Zamboanga City inabot ng alon; mga nitso nasira

Dyborrhae Jewel Reyes, ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2017 02:55 PM

Winasak ng malalakas na alon ang ilang nitso sa Zamboanga City. Dyborrhae Jewel Reyes, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY - Higit isang dosenang nitso sa sementeryo sa baybayin ng Barangay Ayala ang nasira nang salpukin ng malalakas na alon na dulot ng masamang panahon ngayong Lunes.

Una nang pinalikas ng pamahalaang lokal ang may 2 libong residenteng nakatira malapit sa mga dagat at ilog sa siyudad dahil sa sama ng panahon.

Sa kasalukuyan, tuloy-tuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan sa Zamboanga City at malaki pa rin ang tubig sa mga ilog, habang patuloy ang paghampas sa baybayin ng malalaking alon.

Patuloy na tinutututukan ng mga awtoridad ang sitwasyon upang mabilis na makaresponde sakaling may mangailangan ng kanilang tulong.

Sa update na inilabas alas-7:00 ng umaga kanina, sinabi ng PAGASA na nakakaapekto sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao ang umiiral na Intertropical Convergence Zone (ITCZ).