PNP chief, dudang matutuldukan ng PDEA ang problema sa droga

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2017 08:04 PM | Updated as of Oct 16 2017 09:52 PM

Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, 88% o halos siyam sa bawat 10 Pilipino ang nagsasabing suportado nila ang war on drugs ng pamahalaan.

Pero nababahala pa rin ang ilang mambabatas lalo't 73% ng mga respondents sa survey ang naniniwalang may extrajudicial killings sa kampanya.

"Ito rin talaga ang pulso ng mamamayan ngayon. While they are supporting the war on drugs, hindi nila gusto itong nangyayaring patayan," sabi ni Bayan Muna party-list Representative Carlos Zarate.

Umapela naman si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa sa publiko na huwag mawalan ng tiwala sa mga pulis.

"From the very start, that's why we waged the war on drugs, because we value life," ani Dela Rosa.

Pero ayon kay Dela Rosa, oras na lumala ang sitwasyon ng droga sa bansa, hihilingin niyang ibalik sa PNP ang paghawak sa anti-drug war.

"Kung lumala na nang husto, bumalik na naman sa dati na makabili ka ng shabu diyan sa kalsada, siguro I will volunteer sa President: 'Sir, ibalik niyo kami. Huwag nating pabayaan ito na maging kawawa ang Pilipinas'," sabi ni Dela Rosa.

Suportado ni Dela Rosa ang pangangasiwa ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kampanya kontra droga, pero duda siyang kayang tuldukan ng PDEA ang problema sa droga, lalo't kulang sa tao ang ahensiya.

"They're [PDEA] doubting their capability kung kakayanin nila ang vacuum na maiiwan namin," paliwanag ni Dela Rosa. Kapag humingi ng reinforcement sa pulis, by all means, the PNP should support the PDEA," sabi ni Dela Rosa. 

Kasunod ng atas ni Pangulong Duterte na PDEA na ang mangangasiwa sa kampanya kontra droga, sinabi ng PNP na tututukan naman nito ang paglaban sa kriminalidad. 

Samantala, nakatakdang magretiro si Dela Rosa sa Enero 2018. Pero kung itatalaga ni Pangulong Duterte sa anumang posisyon sa gobyerno matapos ang kaniyang pagreretiro, hindi raw ito tatanggihan ni Dela Rosa.

Hindi rin isinasara ni Dela Rosa ang pintuan sa pagpasok sa politika, pero aniya, wala pa siyang konkretong plano sa ngayon.

"Handa na akong mag-retire, handa na 'kong mag-relax," ani Dela Rosa. "Kung may tiyansa, then depende na sa takbo ng sitwasyon. I am open for anything."

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.