Petroleum jelly, itinuturok, 'pampalaki' sa Manila City Jail

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2017 09:34 PM | Updated as of Oct 17 2017 12:59 AM

Samot-saring kontrabando ang nakumpiska ng awtoridad sa isinagawang Oplan Greyhound sa loob ng Manila City Jail. Kasama sa mga nakuha ang syringe o hiringgilya at petroleum jelly na itinuturok umano sa ari ng mga bilanggo. 

Pinangunahan ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Manila Police District Station 3 ang paggalugad sa loob ng mga silid ng piitan.

Kabilang sa mga sinisiyasat ang mga kisame, butas sa dingding, ilalim ng kutson, at mga bag ng mga bilanggo.

Hindi rin nakaligtas ang isang hotdog na hiniwa sa gitna sakaling may inipit na kontrabando.

Nakuha sa mga locker ang ilang matatalim na bagay, kabilang ang mga hinasang kubyertos.

Iniimbestigahan din ng BJMP kung may katuwang na guwardiya ang mga bilanggo, lalo na't may natagpuang malalaking bote ng alak sa loob ng mga selda.

'Pampalaki'

Sa isang ward naman, natuklasan ang syringe o panturok at petroleum jelly.

Ayon kay Insp. Jayrex Bustinera, tagapagsalita ng Manila City Jail, itinuturok umano ng ilang bilanggo ang petroleum jelly sa kanilang mga ari para lumaki.

Dahil apektado ang kalusugan ng mga nakakulong, plano nang ipagbawal ng Manila City Jail ang syringe at petroleum jelly.

Umabot sa mahigit 20 na patalim, mga lighter at tambak-tambak na mga wire ang natagpuan sa kulungan.

Nagsagawa rin ng panggagalugad ang BJMP Quezon City kasama ang Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement Agency, at Philippine Marines K9 Unit.

Karamihan sa mga nakuha ay patalim.

Wala namang nakuhang ilegal na droga.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.