OFW na minaltrato ng amo sa Lebanon, nakauwi na

Jasper Acosta, ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2017 04:02 PM

Nakauwi na sa kanyang pamilya sa lalawigan ng North Cotabato ang isang overseas Filipino worker (OFW) na sampung taong nagtrabaho bilang domestic helper sa bansang Lebanon.

Ayon kay Halima Ubpah, sa isang dekadang pagtatrabaho niya para sa kanyang amo ay hindi umano siya sinahuran at nakakaranas pa ng pangmamaltrato.

Bukod sa kalmot, suntok at sipa, limitado rin umano ang ipinapakain sa kanya.

Bukod dito, binubuhusan pa umano siya ng mainit na tubig.

Ayon kay Halima, wala umano siyang nagawang mali sa kanyang trabaho, at tila pinag-iinitan lamang siya ng kanyang among babae.

Noong Sabado lamang nakauwi sa liblib na barangay ng Payong Payong sa Pigcawayan, North Cotabato si Halima, kung saan nakapiling na nito ang kanyang 3 anak na babae, ang kanyang asawa at ang kanyang mga magulang.

Sa pag-uwi nito sa Pilipinas, nasa P200,000 lamang ang ibinigay na sahod ng kanyang amo sa loob ng 10 taon na pagtatrabaho, kaya't nananawagan si Halima at kanyang pamilya sa gobyerno na tulungan silang makamit ang katarungan upang maparusahan ang kanyang amo sa ginawa nito sa kanya at maibigay ang nararapat niyang sahod.

Sa kanyang pagbalik sa kanilang lugar, hangad ni Halima na sana'y mabigyan sila ng proyektong pangkabuhayan, edukasyon ng kanyang mga anak at mapaayos ang kalsada sa kanilang lugar upang mabilis na mailabas sa merkado ang mga produktong pang-agrikultura.

Si Halima ay nagtrabaho sa Lebanon bilang domestic helper noong 2007 sa hangarin na maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya.

Pero dahil sa kanyang mapait na karanasan, wala na umanong balak si Halima na muling magtrabaho sa ibang bansa.

Umaasa rin ang pamilya ni Halima na mapapakinggan ng gobyerno ang kanilang panawagan upang makamit nito ang hinihinging hustisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.