Babae, natagpuang tadtad ng saksak sa motel

ABS-CBN News

Posted at Oct 16 2017 10:00 PM | Updated as of Oct 16 2017 10:15 PM

Isang babae ang natagpuang patay at tadtad ng saksak sa loob ng isang apartelle sa Quiapo, Maynila noong Linggo, Oktubre 15.

Nagtamo ng 12 saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan ang 29 anyos na biktimang si Joan Echipare.

Pasado alas-7 ng umaga nang madatnang duguan ang katawan ni Echipare matapos saplitang pasukin ng mga tauhan ng apartelle ang kuwarto.

Lampas na kasi sa binayarang oras at wala umanong sumasagot nang tawagan ito.

Ayon sa mga tauhan, madalas mag-check-in si Echipare sa apartelle kasama ang isang lalaki.

Ito rin umano ang lalaking kasama niyang mag-check-in noong gabi ng Sabado, Oktubre 14.

Itinuturing nang pangunahing suspek ang lalaki sa pagkamatay ni Echipare.

Nakuhanan ng CCTV ng presinto ng Barbosa, na katabi lamang ng apartelle, ang isang lalaking paika-ika noong gabi ng krimen.

Tumugma ang kuwento ng tauhan ng apartelle sa oras ng pag-alis ng suspek sa isa pang kuha ng CCTV.

Dalawang anggulo ang kasalukuyang pinag-aaralan ng mga awtoridad. 

Isa rito ang pagnanakaw dahil wala na ang cellphone, wallet at mga ID ng biktima nang matagpuan.

Posible rin umanong "crime of passion" dahil posibleng karelasyon ni Echipare ang suspek.

Maaaring nanlaban ang biktima dahil magulo ang loob ng kuwarto subalit nakapagtatakang walang narinig ang mga nasa katabing kuwarto at staff.

Ayon sa mga kaanak ni Echipare, na lumuwas pa mula Pampanga, mayroon umanong nagkagusto sa babae at pinagbantaan ang kanyang buhay.

Nitong Lunes, Oktubre 16, kinilala ng pulisya ang suspek na si Abu Akit.

Mismong mga tauhan ng apartelle ang nagkumpirma ng kaniyang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng kanyang larawan.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad si Akit at nanawagan sa mga nakakikilala rito na ipagbigay alam sa kanila ang kinaroroonan ng suspek.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.