Crowdfunding program na gawa ng mga tagasuporta ni Bise Presidente Leni Robredo para sa halalan. Screengrab
MAYNILA - Para matulungan sa kaniyang kampanya sa pagkapangulo, naglunsad ang mga tagasuporta ni Bise Presidente Leni Robredo ng crowdfunding program kung saan maaaring mag-donate ng P50 hanggang P20,000.
Agad na nag-react si Elections Commissioner Rowena Guanzon at sinabing hindi maaaring tumanggap ng donasyon mula sa foreigner ang isang kandidato bagama't nasa crowdfunding page ang katagang: "Ako ay Pilipino at maaari akong mag-donate sa Team Leni Robredo."
Hindi ito proyekto ni Robredo at hindi rin ieentrega sa kaniya ang malilikom na pondo. Pero tinitiyak pa rin ng Bise Presidente na wala itong paglabag sa batas.
"Hindi ito sa amin, volunteer-driven ito. Nu'ng nagpaalam sa amin pinaalala namin 'yung lahat ng Comelec regulations tungkol diyan, halimbawa no.1 bawal tumanggap from foreign donors, pangalawa kailangan lahat na nagdo-donate ay properly accounted for dahil kailangan itong i-report sa statement of campaign expenses. So while we are not a part of that group, nagbibigay kami ng suggestions para hindi din sila magkaproblema later on," ani Robredo.
Tutulungan aniya ng volunteer auditors ang mga organizer.
Ayon sa Batas Pambansa 881 o Omnibus Election Code, bawal magbigay ng kontribusyon ang mga sumusunod:
- Public at private financial institutions
- Namamahala ng public utilities o may proyekto kaugnay sa likas na yaman
- May kontrata o nakatanggap ng insentibo mula sa gobyerno
- May higit 100,000 loan mula sa gobyerno
- Educational institutions na may P100,000 o higit pa na public loan
- Public officials, empleyado sa civil service, sandatahang lakas
- Foreigner, at foreign government at corporations
Sa loob naman ng election period mula Enero 9 hanggang Hunyo 8, 2022, bawal ding mangalap ng pondo para sa mga kandidato sa pamamagitan ng pasayaw, lottery, sabong, palaro, boksing, bingo, beauty contest, at iba pang entertainment performances.
Maaari ring madiskuwalipika ang sino mang kandidato na tatanggap ng bawal na kontribusyon sa araw ng halalan at araw bago ang botohan gaya ng transportasyon, pagkain, inumin, at ano mang may halagang bagay.
Maaari ring ma-disqualify ang sinumang kandidato, asawa, kamag-anak sa ikalawang civil degree, campaign manager, o kinatawan na magbibigay ng donasyon para sa mga proyekto gaya ng road construction at repair, tulay, school bus, clinic at ospital, at simbahan sa loob ng campaign period, isang araw bago ang botohan, at sa araw ng halalan - maliban kung tradisyon sa relihiyon at pagbabayad sa naka-schedule na bayarin ng mga scholar.
Pero ayon sa Commission on Elections (Comelec) at election watchdog Lente, lahat ng patakaran kaugnay sa mga kandidato ay may bisa lang kapag opisyal nang nagsimula ang campaign period na Pebrero 8 hanggang Mayo 7 para sa national candidates at Marso 25 hanggang Mayo 7 para sa local bets.
Paglilinaw naman ni Lente Executive Director Atty. Ona Caritos: "Because itong crowdfunding ay nangyayari outside of the campaign period, at wala pa tayong tinatawag na kandidato, hindi pa 'to covered nu'ng resolution for contributions to be given to candidates and political parties."
Dapat kasi magsumite ng detalyado at sinumpaang ulat ng donasyon o kontribusyon sa Comelec sa loob ng 30 araw matapos ang halalan ang sino mang magbibigay ng campaign donation o contribution.
Ayon sa Comelec, nang ipinasa ang batas noong 1985, wala pang online contributions kung saan maski mga ordinaryong mamamayan ay maaaring mag-ambag kaya dapat pag-aralan pa ang regulasyon para rito.
"Kung kailangan namin maglabas ng policy for that, kung may makikita kaming possible na policy para ma-regulate namin, maglalabas kami," ani Efraim Bag-id, officer-in-charge ng Comelec Campaign Finance Office.
Para naman sa Lente, dapat mas magluwag ang Comelec para mas marami ang mahikayat na aktibong lumahok sa kampanya at halalan.
"Mahigpit 'yung rules pero kailangan niyang (kandidato) sundin and moving forward dahil nga may ganitong mga initiative, dapat mapag-aralan at mapag-isipan pa on how to encourage more and more people to do something like this… Kasi mas maraming mag-contribute, mas maraming engagement ang mga tao aside from the traditional way of people engaging in the elections na bumoboto lang," ani Caritos.
Sa huli, dapat nakapaloob ang mga kontribusyon sa Statement of Election Contributions and Expenditures o SOCE ng mga magwawagi at talunang kandidato.
-- Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.