TFC News

Mga Pinoy sa SoKor, dumagsa sa Embahada para sa OAV registration

Joeffrey Maddatu Calimag | TFC News South Korea 

Posted at Oct 15 2021 01:39 PM | Updated as of Oct 15 2021 01:46 PM

Watch more on iWantTFC

SOUTH KOREA – Dumagsa sa Philippine Embassy sa South Korea ang mga Pilipinong gustong magparehistro sa pinalawig na Overseas Absentee Voting o OAV registration hanggang October 14, 2021 para sa Halalan 2022. Marami ang nagtiyaga kahit mahaba ang pila nitong Sabado.  

“Kailangan kong bumoto dahil gusto ko ng pagbabago,” sabi ni Joseph Vermont, isang Pinoy student. 

“Ito ang paraan ko na sabihin na may pakialam ako sa mga nangyayari sa bansa natin,” ani ng Pilipinong si Dr. Jubert Marquez 

Bago ang sistema ng registration kaya may ilang nahirapan sa proseso.   

“Ngayon po kasi nagpalit po ng sistema ang COMELEC. Nag-shift po sila sa iRehistro…eto lang po ang pakiusap namin…kung kaya po ng kababayan natin na mag-iRehistro na po sa COMELEC bago pa pumunta sa Embahada, mas mabuti po yun… at kung kaya po nilang i-print-out yung kanilang papel…para pagpunta sa Embahada, pwede na po silang isalang sa registration sa biometric, kinukuha po lahat yun. Pati yung dala nilang form binabasa din ng makina ng COMELEC, eh. Mapapabilis po,” pagbabahagi ni Theresa Dizon-De Vega, Ambassador-Designate ng Pilipinas sa South Korea. 

Nagtalaga ng help desk ang Embahada para matulungan ang mga nagpaparehistro. 

“…medyo time sensitive po yung system ng COMELEC. Pag medyo mabagal-bagal po yung pag-input ng datos, nagsasara ho siya, babalik ka na naman, uulit ka na ulit…Meron po kaming sinet-up na help station sa Sentro Rizal, doon po sila pwedeng mag-rehistro ulit,” dagdag ni Dizon-De Vega. 

Ayon pa kay De Vega, bukod sa pagbukas ng Sabado at Linggo para sa overseas absentee voting registration extension period, nagdagdag din ng oras ang Embahada mula Lunes hanggang Huwebes para matugunan ang mga gustong humabol sa registration. 

Tinutulungan ng Embahada ang mga aplikanteng nangangailangan ng tulong sa pag-aapply sa ilalim ng iRehistro system ng COMELEC para makapag-apply at mag-print ng kanilang mga forms.   

Para sa iba pang ulat patungkol sa mga Pilipino sa iba't ibang bahagi ng mundo, panoorin at tumutok sa TFC News sa TV Patrol.