PatrolPH

Mga gaming arcade sa NCR naghahanda nang magbukas sa ilalim ng Alert Level 3

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2021 06:06 PM

Nilalagyan ng plastic barrier ang isang gaming table sa arcade sa isang mall, bilang paghahanda sa pagbubukas ng mga establisimyentong ito sa ilalim ng Alert Level 3.
Nilalagyan ng plastic barrier ang isang gaming table sa arcade sa isang mall, bilang paghahanda sa pagbubukas ng mga establisimyentong ito sa ilalim ng Alert Level 3.

MAYNILA -- Naghahanda na ang mga gaming arcade sa muling pagbubukas sa Sabado, sa pag-arangkada ng Alert Level 3 sa Metro Manila. 

Sa ilalim ng protocols, maaari silang magbukas sa 30 porsiyentong kapasidad, at kailangang bakunado rin ang mga papasok. 

Todo-linis at naglalagay ng mga barrier ang mga namamahala sa amusement park para di magkakalapit ang mga parokyano.

"Naglagay kami ng barriers para at least magkaroon ng social distancing ang players, magkakaroon kami ng point person to check kung bakunado sila,” ani Quantum Amusement Regional Manager Raymund Magtira. 

Nakalatag na rin anila ang mga health protocol. 

Dahil bawal pang pumasok sa mall ang mga bata, mga adults o matatanda ang inaasahang pupunta at maglilibang sa arcades simula Sabado. Dahil dito, di na rin muna inayos ang palaro na pambata. 

"We can cater all kinds of ages from young adults 'til mga seniors na fully vaccinated na puwedeng pumasok sa malls… ‘Yung ibang tao kinukuha ang fun dito sa aming center kung saan nakakatulong kami sa kanilang mental health,” ani Tom’s World Special Projects Head Christian Bruno. 

Maaari na ring magbukas ang mga internet shop na 30 porsiyento rin ang kapasidad para sa vaccinated customers. 

Wala namang sinehang magbubukas sa Sabado dahil hindi pa tapos ang paghahanda ng cinema operators at hindi rin malinaw kung may face shield o wala habang nanonood. 

Hinikayat naman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na isumbong ang mga establisimyentong hindi sumusunod sa health protocols. 

"We're doing random checks now starting today and tomorrow onwards in all our cinemas and all our newly opened business establishments to make sure they are compliant," ani Belmonte.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.