Labis ang pagdadalamhati ng ina ng tatlong bata na nasawi nang gumuho ang lupa sa La Trinidad, Benguet dahil sa pananalasa ng Maring. ABS-CBN News
BENGUET - Ilang hakbang lang mula sa bahay ng pamilya Teligo inilibing ang tatlong magkakapatid na nasawi nang gumuho ang lupa sa Ambiong, La Trinidad, Benguet - ang 8 anyos na si Nicklhier, 4 anyos na si Nighel, at 2 anyos na si Nickeecha.
Magkakahalong putik, tipak ng bato, at may kasamang tubig-ulan ang rumagasa pababa sa bahay nila habang kumakain ang pamilya.
"Bago 'yun sumasayaw pa sila. 'Yung niluluto ko 'yung ulam nila 'yung [ang] saya nila na, 'yes may ulam!' 'Yung ganu'n. Tuwang-tuwa sila, fried chicken 'yung niluto ko. Nire-request nila nu'ng araw na 'yun," ani Stephanie Velasco Teligo, ina ng mga batang nasawi.
Nadala pa sa ospital ang mga bata na paisa-isang kinuha mula sa gumuho nang bahay. Tanging ang mga magulang lang ang nakaligtas.
"Kami ng asawa ko, marami kaming pasa dito dito, masakit… Lalo na dito," ani Teligo, na naiiyak na itinuro ang kaniyang dibdib.
Ililibing sila sa bakanteng lote ilang hakbang mula sa kanilang bahay.
Ayon kay La Trinidad Mayor Romeo Salda, hindi naman ito ipinagbabawal sa naturang lote.
Inabot ng P12 milyon ang halaga ng pinsala sa munisipalidad sa La Trinidad.
-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
Kaugnay na video:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.