TINGNAN: Buwayang may habang 17 talampakan, nahuli sa Tawi-Tawi

Job Manahan, ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2020 03:50 PM | Updated as of Oct 15 2020 04:00 PM

Dinala na raw ang buwaya sa isang mini-mangrove forest sa Simunul sa Tawi-tawi at maayos ang kalagayan nito. Bayan Patroller Krystian Mufti

Nahuli ng mga mangingisda nitong Miyerkoles ang isang buwayang may 17.11 talampakan sa Taytay beach sa munisipalidad ng Simunul sa Tawi-tawi.

Ayon kay Bayan Patroller Krystian Mufti, namataan ng mga mangingisda na pagala-gala ang buwaya sa naturang beach.

Maaari aniyang naligaw lamang ito. 

May habang 17.11 talampakan ang buwayang nahuli ng mga mangingisda sa Taytay beach sa Simunul, Tawi-Tawi. Bayan Patroller Krystian Mufti

"Siyempre, wala pong buwaya [na] tumitira sa area namin. Siguro, naligaw lang po ['yong] buwaya," sabi niya. 

Dinala na ang buwaya sa isang mini-mangrove forest sa munisipalidad at maayos ang kalagayan nito, dagdag ni Mufti. 

Kasama ng 17-talampakang buwaya sa naturang mini-mangrove forest ang isa pang naligaw na buwaya doon noong 2017. May haba naman ito na 16 talampakan.