Panukalang batas na nagbabawal sa expiration ng ‘di nagamit na internet data, isinusulong

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2020 05:33 PM

Watch more in iWantTFC

Isinusulong ng isang senador ang isang panukalang batas na nagbabawal na sa expiration ng mga hindi nagamit na internet data.

Sa Senate Bill No. 1880 na inihain ni Senator Lito Lapid, gusto ng senador na gawing institutionalized ang roll-over data scheme sa internet data.

Ibig sabihin, kapag hindi nagamit ang data allocation sa internet data package o internet data promo, hindi na iyon mag-e-expire at sa halip, pwede iyong gamitin sa susunod na buwan.

Ayon kay Lapid, para ito sa maraming Pilipinong nakaasa ngayon sa paggamit ng internet para sa pag-aaral at sa trabaho.

Sa panahon kasi aniya ngayon, hindi na luho ang internet at isa na itong pangangailangan mula sa komunikasyon, pag aaral, hanggang sa operasyon ng negosyo.

“Sa panahon ngayon, hindi na lamang luho ang pagkakaroon ng internet sa bawat tahahan. Isa na itong pangangailangan ng marami, kung hindi man ng lahat sa atin,” ayon kay Lapid. 

“Mula sa simpleng komunikasyon hanggang sa pag-aaral at operasyon ng negosyo, nakasalalay sa internet ang marami sa atin,” dagdag ng senador.

Sa ilalim ng panukalang batas, kapag hindi pa rin nagamit sa katapusan ng taon ang natitirang data allocation ay dapat na ito maging rebate at maaring gamitin sa susunod pang subscription.

Pagmumultahin din ng hanggang P1 milyon at pwedeng tanggalan ng lisensya o prangkisa ang internet service provider na hindi susunod. 

— Robert Mano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.