Pamilya ng hit-and-run victim sa Bulacan, umapela ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2020 05:20 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Wala pang malay ang isa sa dalawang lalaking sakay ng motorsiklo na binangga ng humaharurot na SUV sa Obando, Bulacan, Lunes ng gabi.

“Sa ngayon po coma pa rin siya, wala pa ring malay,” pahayag ni Eliseo Bautista, tiyuhin ng biktimang si Algen Bautista.

Sakay si Algen at isa pa sa motorsiklo nang banggain sila ng pulang SUV na mabilis ang takbo.

Sugat sa ulo, kaliwang mata at bali sa hita ang tinamo ni Algen habang ang kasama niya ay nakalabas na ng ospital.

“Ang pamangkin ko ang napuruhan kasi ginulungan pa siya ng kotse,” sabi ni Eliseo.

Sa lakas ng pagkakabangga, naiwan pa ng SUV ang plate number nito dahilan para matunton ng pulis kung sino ang may-ari nito. Pero itinanggi naman ng registered owner na sila ang nakabangga dahil isinanla niya umano ang sasakyan.

“Ngayon ‘di namin malaman kung paano kami magsasampa kasi wala pa kaming abugado. Humihingi kami ng tulong na baka may abugadong pwedeng tumulong sa amin,” sabi ni Eliseo.

Higit P150,000 na rin ang bill sa ospital at ipapasok pa sana ang kaniyang pamangkin sa ICU pero hindi nila kaya ang P70,000 kada araw na singil dito.

“Wala naman kaming trabaho lahat dahil sa pandemic. Wala naman hong mautangan dahil nagsasara mga kumpanya,” sabi niya.

Patuloy na pinaghahanap ng awtoridad ang driver at sasakyang bumangga sa kanila.

“inaayos na para masampa na sa piskalya. Bine-verify lang yung ebidensiya na maglilink sa talagang may-ari,” ayon naman kay Police Staff Sargeant Isagani Soriano.