MAYNILA— Humingi ng tulong ang mga kaanak ng isang overseas Filipino worker sa Riyadh, Saudi Arabia matapos na mabigo itong makauwi makaraang utusang maghulog ng pera ng kasamahan.
Ayon kay John Dave Montefalco, hindi na nakauwi sa bahay ng employer ang kaniyang kuya na si John Lord, 26 anyos.
“Hinahanap namin siya, tinatawagan, mga kasama niya din sabi nila wala, hindi na daw nakauwi nung gabing 'yun,” kuwento ni John Dave mula sa Mati City, Davao Oriental.
Nagtatrabaho umano ang kaniyang kapatid sa isang royal family sa Riyadh. Wala naman silang alam na kaaway ng kapatid at kasundo din naman nito maging ang anak ng kaniyang amo.
Maga-apat na taon na sa Saudi Arabia si John Lord na ipinasok ng kaniyang tiyuhin sa kasalukuyang employer bilang domestic worker.
Kuwento niya sa panayam sa TeleRadyo, inutusan ang kaniyang kapatid ng kasamahan nilang babae para maghulog ng pera noong Oktubre 6 pero hindi na ito nakauwi pa.
Sobrang pag-alala rin ang nararamdaman ngayon ng kanilang ina na nagtatrabaho naman sa Abu Dhabi.
“Siya naapektuhan kung sa maghahanap, kung saan na kuya ko,” sabi ni John Dave.
Umabot na kay Administrator Hans Leo Cacdac ang pagkawala ng OFW at hinikayat ang pamilya niya na maging mahinahon muna sa mga panahong ito.
“Kasalukuyang may effort na hinahanap siya ngayon. Ako naman po may kumpiyansa na mahahanap siya. Nasa panahon pa tayo na nagsasagawa pa 'yung search kaya may konting paghihintay pa bago natin malaman kung nasaan siya,” sabi ni Cacdac.