#OfelPH: Mga pamilya inilikas dahil sa baha sa Batangas, Quezon, Laguna

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2020 09:49 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Inilikas ang ilang pamilya nang bahain ang ilang parte ng Calabarzon sa pananalasa ng bagyong Ofel sa tatlong probinsiya sa rehiyon.

Sa pananalasa ng bagyo, binaha ang ilang siyudad at bayan sa Batangas, Quezon, at Laguna - dahilan para lumikas ang tinatayang nasa mahigit-kumulang 80 pamilya.

Sa bayan ng Liliw sa Laguna, aabot sa 33 pamilya ang nilikas. Samantala, isa ang nawawala.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng bayan, tinangay ng baha ang sinasakyang tricycle ng nawawalang biktima.

Inabot ng 3 talampakan ang lalim ng baha sa lugar.

Nakaligtas naman ang kaniyang mga kasamahan.

Sa Calamba, 9 na pamilya ang inilikas, kasama ang ilang sanggol at bata.

Tumambad sa mga residente ang makakapal na putik pagkatapos ng baha. Binaha rin ang barangay Bucal, Lawa, Pansol, at Parian.

"Passable naman na ang mga daan. May landslide pero wala namang na-damage na bahay," ani Jeffrey Rodriguez ng Calamba Public Order and Safety Office.

QUEZON

Pinadapa rin ng bagyo ang palayan ng magsasakang si Rodrigo Pilaraca sa Barangay Danlagan sa bayan ng Lopez.

Aanihin na niya sana ito sa katapusan ng buwan pero minalas dahil sa bagyo.

"Wala ako maisip na kabuhayan namin ngayon. Ang aking ikinabubuhay ay diyan laang sa palay. Ako nga ay gustong humingi ng tulong sa gobyerno," ani Pilaraca.

Sinabayan ng high tide ang malakas na pag-ulan na dulot ng bagyo, ayon sa Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.

Nagkaroon din ng mga baha sa bayan ng Pitogo at Quezon.

Naitala naman ang mga landslide sa bayan ng Catanauan at hindi na madaanan ang ilang kalsada nang humarang ang gumuhong lupa mula sa bundok.

"Siguro mga lima o higit pang bayan ang nagkaroon ng pagtaas ng tubig. Hindi lalagpas ng 50 pamilya ang nailikas at sa kasalukuyan ay nakabalik na rin sila sa kanilang mga tahanan," ani Quezon PDRRMO head Melchor Abenilla.

BATANGAS

Naitala rin ang mga pagbaha at landslide sa Batangas City.

Agad na nagsagawa ng clearing operations ang DPWH nang magkaroon ng landslide sa kalsada.

Binaha rin ang Barangay Talahib Pandayan at umapaw ang mga ilog at tubig nang bumaba ang tubig mula sa kabundukan.

Natakot ang mga residente dahil sa lakas ng tubig at problemado rin sila sa pagbiyahe ng kanilang mga produkto.

"Ang mga tao po hindi makababa ang kanilang mga produkto, stranded po. Kung maaari po matulungan tayo ng ating pamahalaan na magkaroon po ng tulay," ayon sa barangay chairman na si Mike Macalalad.

Nalubog din sa baha ang highway sa Barangay Talahiban sa San Juan, Batangas.

Humupa na ang baha sa mga lugar.

Balik-biyahe naman sa Batangas Port ang mga barkong patungong Mindoro matapos alisin ang babala ng bagyo.

LAGAY NG PANAHON

Batay sa huling weather bulletin ng state weather bureau PAGASA, lumabas na sa West Philippine Sea ang Ofel matapos nitong mag-landfall nang limang beses sa Eastern Visayas at Southern Luzon noong Miyerkoles.

Nasa 340 kilometro silangan hilagang-silangan ng Tanauan, Batangas ang bagyo at napanatili ang lakas ng hangin nito sa 45 kilometro kada oras.

Pero bumilis ang Ofel sa 25 kilometro kada oras patungo sa silangan timog-silangang direksiyon, o papalayo ng bansa.

Inaasahang lalabas na ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility gabi ng Huwebes o umaga ng Biyernes, pero inaasahan pa rin ang maulang panahon sa malaking bahagi ng bansa dahil sa habagat na patuloy na hinahatak ng bagyo.

-- Ulat nina Dennis Datu at Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.