Higit P200-M halaga ng shabu nasabat sa Parañaque, Taguig

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2020 06:00 AM | Updated as of Oct 15 2020 06:40 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Nasamsam ng pulisya ang 30 kilo o mahigit P200-milyong halaga ng shabu sa magkarugtong na buy-bust operation sa Paranaque City at Taguig City Miyerkules ng gabi.

Inaresto ng mga taga-Drug Enforcement Group ng Philippine National Police (PNP-DEG) ang tatlong lalaki na tinuturing na tulak at supplier sa ilalim umano ng Golden Triangle Syndicate.

Nakuha sa loob ng sasakyan sa Bayani Road, Waterfun, Taguig ang 18 kilo o P122.4 milyong halaga ng umano’y shabu bandang alas-10 ng gabi.

Dito nahuli ang 33-anyos na online seller na si alyas “Ibrahim”.

Ayon kay Police Lt. Col. Enrico Rigor, chief of legal and investigation ng PNP-DEG, supplier umano si “Ibrahim” ng 2 tinuturong tulak na nahuli naman sa naunang buy-bust alas-6:30 ng gabi sa Don Bosco, Paranaque.

Kinilala ang 2 na sina alyas "Omal" at "Abdul" na pawang taga-Upper Bicutan, Taguig. 

Nasabat sa kanila ang 12 kilo o P81.6-milyong halaga ng shabu.

Ayon kay Rigor, batay sa nakitang lalagyan, galing sa Golden Triangle Syndicate ang droga.

Sinu-suplayan din umano ng grupong ito ng mga Chinese ang ilang nasa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City.

Patuloy naman ang pagfollow-up ng pulisya sa iba pang kasabwat ng grupo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.