TINGNAN: Higanteng Christmas tree sa South Cotabato, gawa sa recyclables

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2019 06:23 PM | Updated as of Oct 16 2019 01:20 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi pa man Disyembre, Paskong-pasko na ang pakiramdam sa bayan ng Tampakan, South Cotabato matapos pailawan ang bagong atraksiyon sa lugar, ang 100-talampakang Christmas tree na gawa sa recyclable materials.

Ang higanteng Christmas tree ay matatagpuan mismo sa plaza ng bayan. Ginamitan ito ng mga palamuti mula sa plastic bottle ng softdrinks at tubig.

“Nakakatuwa kasi mga recyclable materials ang nilagay nila, mas okay,” sabi ng residenteng si Mylene Gunday.

Ito ang itinuturing na pinakamataas na Christmas tree sa South Cotabato na pinagtulungan ng mga residenteng buuin.

Tanging ang Christmas lights lang ang ginastusan ng lokal na pamahalaan.

“We would like to be pro-environment,” sabi ni Tampakan Mayor Leonard Escobillo.

Gabi-gabi, dinadagsa na ang plaza ng bayan dahil sa Christmas tree.

Samantala, dinarayo rin sa bayan ang tinatawag na Santa Clubhouse tampok ang libo-libong koleksiyon ng Santa Claus.

Makikita rito ang iba’t ibang klase ng figurines ng Santa Claus.

Nakahiligan na ng pamilya Estrabon na mangolekta ng Santa Claus. Umabot na sa higit 1,000 ang kanilang Santa Clause figurines.

“Kasi nag-start 'yan sa nanay ko every year pino-provide niya kami ng magandang Christmas 'yong lahat lahat ando'n na para hindi ka na lumabas," sabi ng may-ari ng Santa Clubhouse na si Felisa Estrabon.

Sa labas, nagningning din ang mga Christmas lights at life-sized Santa Claus.

"'Yong nakakamangha lang 'yong maraming Santa Claus na maraming klase. Namangha talaga ako doon sa Santa Clause na Mama Mary ang mukha nakyukyutan talaga ako doon," sabi ng turistang si Jed Mendoza.
 

Watch more in iWant or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.