Pulis sa Davao del Sur, patay matapos umanong mabaril ang sarili

Che Che Diabordo, ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2019 07:51 PM

Nabulabog ang mga pulis ng Kiblawan Municipal Police Station nang umalingawngaw ang isang putok ng baril Martes ng umaga.

Natagpuan nilang patay na nakahiga sa duyan si Police Master Sergeant Brigham Wayne Pascual. May isang tama sa lalamunan ang biktima na tumagos pa hanggang sa ulo.

Hinala ng mga pulis, aksidente nitong nakalabit ang M-16 na ipinatong ng biktima sa kaniyang katawan habang natutulog pagkatapos ng kaniyang duty bilang desk officer ng himpilan.

"Wala rin kaming nakitang kakaiba sa kaniya. May pera naman siya at nasa kaniya naman ang ATM kahit may asawa na siya," ayon kay Police Captain James Carumba, ang hepe ng Kiblawan Municipal Police Station.

Isinugod pa si Pascual ng kaniyang mga kasama sa ospital, pero idineklarang dead on arrival na, ayon sa attending physician.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.