Lulong sa droga: Ina, pinatay ang anak; 1 pa sinaksak

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2019 12:03 PM | Updated as of Oct 15 2019 03:19 PM

(UPDATE) Karumal-dumal ang sinapit ng dalawang paslit sa kamay ng kanilang ina sa bayan ng Rizal sa Laguna.

Pinatay ng 30-anyos na ginang ang kaniyang 5-taong gulang na anak na babae sa pamamagitan ng pag-suffocate.

Nasa ospital naman ngayon ang 11-taong gulang na panganay nitong lalaki matapos niyang saksakin ng gunting ng 26 beses.

Sabi ng mga testigo, inakala umano ng ina na mga manananggal ang kaniyang mga anak.

Ayon kay Capt. Lindey Tibuc, hepe ng Rizal Municipal Police Station, nadiskubre Martes ng umaga ang krimen sa bahay ng mag-iina sa Viriña Subdivision sa Barangay Tuy.

Ito'y matapos makatakbo palabas ng bahay para humingi ng tulong ang panganay na biktima habang pinagsasaksak ng kaniyang ina.

Agad namang nakaresponde ang kanilang mga kapitbahay at naagaw ang bata sa ina.

Dagdag ng pulisya, magdamag na gumagamit ng droga ang ina ng mga bata.

Bukas ang gasul at nangangamoy gas din ang buong bahay nang rumesponde ang mga pulis. May damit din umanong nasusunog.

Ang mag-iina lang ang nakatira sa bahay habang nagtatrabaho sa Dubai bilang driver ang kanilang padre de pamilya.

Nakatakdang umuwi naman sa bansa ang ama ng mga bata sa Miyerkoles.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.