Kagawad, kawani ng city hall kasama sa mga naaresto sa droga sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2019 04:39 AM

MAYNILA—Arestado ang 10 katao, kabilang ang isang barangay kagawad at isang kawani ng Manila City Hall, sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Maynila.

Sa Sampaloc, naaktuhang nagbebenta umano ng droga si Marius Alquiros na kagawad ng Barangay 438.

Sa video na kuha ng police asset, kita ang pag-abot ni Alquiros ng P200 halaga ng hinihinalang shabu.

Ikalawang barangay kagawad sa Sampaloc si Alquiros na nahuli sa loob ng 3 linggo dahil sa droga.

Samantala, isang kawani ng Manila Tricycle Regulatory Office na si Manny Bautista ang naaktuhang bumibili umano ng droga sa Barangay 464.

Sa Sampaloc pa rin, timbog ang 8 katao nang lusubin ng mga pulis ang isang bahay sa Barangay 429 na sangkot umano sa pagtutulak.

Sasampahan sila ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.