Inisyal na resulta ng recount sa VP race inilabas; pagtuloy ng poll protest tinutulan

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2019 07:15 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Robredo nanindigang dapat ibasura ang poll protest 

Sa halip na ituloy o ibasura ang election protest na isinampa ng natalong Vice President candidate na si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. laban kay Leni Robredo, pinagkokomento lang ang magkabilang kampo sa inisyal na resulta ng recount sa ilang probinsiya. 

Sa botong 11-2, inatasan ng Korteng Suprema (SC) ang paglalabas ng inisyal na resulta ng recount sa dalawang kampo. 

Sina Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa lang ang tumutol dito. 

"The Tribunal has decided to release to the parties the report on the revision and appreciation of ballots in the three pilot provinces, and for them to comment thereon," ani Brian Keith Hosaka, tagapagsalita ng Korte Suprema. 

Nag-ugat ito sa poll protest ni Marcos kung saan sinasabing nagkaroon ng dayaan noong Halalan 2016. Natalo siya sa pagka-bise presidente matapos lumamang si Robredo ng 263,473 boto.

Iginigiit din noon ni Marcos na dapat magkaroon ng revision at recount sa Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental – ang tatlong probinsiyang pinili ni Marcos na magpapakita umano na may basehan ang kaniyang protesta. 

Pinasusumite ng SC, na tumatayong Presidential Election Tribunal, ang dalawang kampo ng kanilang memorandum tungkol sa hiling ni Marcos na i-itsapuwera ang resulta sa tatlong probinsiya sa Mindanao dahil umano sa dayaan. 

Tingin nina Carpio at Caguioa na dapat ibasura na ang election protest dahil wala umano naipakitang sapat na basehan para ituloy ang protesta, ayon sa isang source. 

Sang-ayon naman dito si VP Leni Robredo. Bagaman magaan ang loob niya ngayon, tingin niyang dapat ma-dismiss na ang kaso. 

“Relieved ako because of that, pero frustrated na hindi pa rin na-dismiss kasi ang paniniwala talaga namin there is no other way but to dismiss this,” ani Robredo. 

Sa ilalim ng panuntunan ng PET, maaring ibasura ang election protest kung base sa inisyal na determinasyon sa tatlong probinsya, walang kasong napatunayan ang nagrereklamo.

Dismayado rin ang kampo ni Marcos sa resulta pero handa umano silang sumunod sa utos ng PET.

“It’s not in our best interest na madelay pa ito ng isang araw. Tayo’y lagpas na sa tatlong taon. Tatlong taon na naming binubuno ito,” ani Vic Rodriguez, abogado ni Marcos. 

Magreretiro na nitong buwan sina Chief Justice Lucas Bersamin at Senior Associate Justice Carpio, habang nagretiro na noong nakaraang buwan si Justice Francis Jardeleza.

Ibig sabihin, 12 mahistrado na lang ang magdedesisyon sa kaso, 8 dito appointee ng pangulo. 

At kung makakapamili na ng kanilang mga kapalit, aabot sa labing-isang mahistrado na sa supreme court ang itinalaga ng pangulo.

Ibayong pag-iingat ang gustong gawin ng mga mahistrado lalo’t ang pinag-uusapan dito ay ang posisyon ng pangalawang pangulo ng pilipinas at maraming matang nakabantay. --Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.