Ilang magulang sa Davao City, ayaw pabakunahan ang mga anak laban sa polio

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2019 10:28 PM | Updated as of Oct 15 2019 10:44 PM

DAVAO CITY – Ilang magulang sa Davao City ang nagmatigas na hindi pabakunahan ang kanilang mga anak matapos magpunta ang mga kawani ng city health office sa mga kabahayan para magpatak ng vaccine laban sa polio. 

Gaya ni Ruben Hailin na hindi naturukan ng kahit isang bakuna ang kaniyang anak na 4 na buwang gulang dahil salungat daw ito sa kanilang paniniwala

"Itong bata hindi ko papabakunahan dahil may nagbabantay na sa kaniya. Hayaan na magkasakit. May Diyos. Ako ang gagamot sa kaniya," aniya.

Ang iba naman ay natakot sa negatibong epekto umano ng bakuna sa mga bata.

Ngunit nilinaw ng city health office na walang side effects ang oral polio vaccine (OPV).

"Kung hindi sila magpapatak ngayon, babalikan natin sila, kakausapin at hihikayatin na ipa-immunize ang kanilang anak," ani Dr. Josephine Villafuerte ng city health office.

Ayon sa National Commission on Indigenous People (NCIP), mahirap sa ibang tribo na tanggapin ang mga bagong paraan ng panggagamot.

"Nasa pagpapaintindi lang yan. Siyempre, foreign methodology itong scientific [procedure] tapos may nakagawian silang paraan ng panggagamot. Kailangan lang talagang ipa-intindi nang maigi sa kanila," ani NCIP Regional Director Atty. Geroncio Aguio.

Sa kabila nito, umaasa ang city health office na maabot nila ang 100 percent coverage at mapatakan ng OPV ang mahigit 180,000 na bata dito sa lungsod sa loob ng dalawang linggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.