Estudyante, binata timbog sa droga sa Davao City

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2019 06:46 AM

DAVAO CITY—Arestado ang 2 lalaki sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Davao City Lunes ng gabi.

Sa Barangay Leon Garcia, Agdao District, nakuhanan ang 18 anyos na suspek ng 10 sachet ng hinihinalang shabu.

Tumakas noon sa isang drug rehabilitation center ang suspek na may pending warrant of arrest din sa kaso ng droga.

"Ngayon, sa selda na ang kaniyang bagsak dahil legal age na siya," ani Police Lt. Jeffry Bangcas, deputy station commander ng Santa Ana police.

Samantala, nasamsam naman sa 21 anyos na estudyante ang P2,000 halaga ng umano'y shabu sa Barangay 76-A, Bucana District.

Itinuturing na bagong drug personality sa lugar ang suspek na twelfth-grade student.

Kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang kahaharapin ng mga hinuli.—Ulat ni Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.