Assistant election officer, patay sa pamamaril sa Leyte

Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2019 06:32 PM

MACARTHUR, Leyte—Patay sa pamamaril ang assistant election officer ng Commission on Elections sa bayang ito, Martes ng tanghali.

Nakilala ang biktima na si Maureen Japson.

Ayon sa pulisya, galing sa kanilang opisina ang biktima sakay ng motorsiklo at pauwi na sa kanilang bahay dala ang pagkain para sa tanghalian ng kaniyang dalawang anak nang tambangan ng dalawang hindi pa nakikilalang mga salarin sa Barangay Pongon.

Nagtamo ng pitong tama ng bala sa katawan at sa ulo ang biktima na naging sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa motibo ng pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.