Agam-agam sa African Swine Fever, pinawi ng lechon festival sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2019 06:58 PM | Updated as of Oct 15 2019 07:38 PM

Pinagsaluhan ng higit sa 1,000 katao ang nasa 40 lechon baboy para mapawi ang agam-agam na dala ng African Swine Fever. Gracie Rutao, ABS-CBN News

Watch more in iWant or TFC.tv

Higit sa 1,000 katao ang nakiisa sa salu-salo sa Lechon Festival na ginanap sa Bren Z. Guiao Convention Center sa City of San Fernando sa Pampanga nitong Martes.

Kabilang sa mga nagsalo sa 40 lechon baboy at iba pang putahe ng karneng baboy ay mga lokal na opisyal at maging meat processors at retailers sa probinsiya.

Ito'y para mapatunayan sa publiko na ligtas kainin ang mga karneng baboy sa kabila ng African Swine Fever (ASF) na nagdadala naman ng takot sa mga mamimili kaya nagiging matumal na din ang bentahan ng baboy sa mga pamilihan.

Ayon sa Department of Health, ligtas na kainin ang karneng baboy lalo't walang direktang epekto ang ASF sa tao.

Aapela naman ang provincial government sa national government para alisin na ang lockdown ng meat products sa probinsiya ng Pampanga.

Ayon kay Pampanga Governor Dennis Pineda, may ASF-affected areas na sa lalawigan pero paglilinaw niya, wala pang outbreak dito.

Apektado na rin ang meat processing industry sa Pampanga.

May ilang asosasyon ng mga meat processing companies sa lugar ang nagsabing bumaba na sa 20-30 percent ang volume ng kanilang produksyon.

Nagbawas na rin sila ng operating hours.

Imbes na magdagdag ng tao ngayong holiday season, posible anilang magbawas ng 15-20 percent ng kanilang mga tauhan ngayong taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.