4 na umano'y holdaper patay sa engkuwentro sa QC

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2019 05:32 AM

MAYNILA—Patay ang 4 na hinihinalang holdaper matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa Quezon City Martes ng madaling-araw.

Ayon kay Police Lt. Col. Joel Villanueva ng Batasan Police Station, wala pang pagkakakilanlan ang 4 na lalaki na nangholdap umano sa isang gasolinahan at convenience store.

Kuwento ng kawani ng gasolinahan, nagdeklara ng holdap ang mga lalaki na sakay ng 4 na motorsiklo.

Tinangay ng grupo ang P12,000 at isang cellphone bago lumipat sa katabing convenience store.

Pinadapa ng mga holdaper ang clerk at kinuha ang P7,000 at 3 cellphone. 

Mabilis na nakaresponde ang mga pulis na nagsasagawa ng anti-criminality operation.

Natunton ang mga lalaki sa San Jose St. pero imbes na sumuko ay nagpaputok sa mga pulis. 

Narekober sa crime scene ang 4 na hindi pa tukoy na kalibre ng baril at mga basyo ng bala.—Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.