3 miyembro umano ng Abu Sayyaf, timbog sa Metro Manila, Cavite

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2019 07:53 PM

Tatlo umanong miyembro ng teroristang grupong Abu Sayyaf ang timbog sa sunod-sunod na operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa magkakaibang lugar.

Sa Manila, Taguig at Cavite natunton ang mga suspek. Tatlong linggo umanong minanmanan ang mga ito.

Kinilala ang mga nahuli na Sina Ibnus "Jade" Isa, Amerudin "Mudasier" Parasan at Abdel Amin "Abu Black" Bandahala. 

Lahat sila ay may warrant of arrest para sa kasong kidnapping at serious illegal detention.

Sila ay may kaugnayan umano sa kidnapping ng isang miyembro ng Jehovah's Witness sa bayan ng Patikul, Sulu, noong 2002. Mayroon din sila umanong kinalaman sa Golden Harvest kidnapping case noong 2001 sa Basilan. 

Mula Enero, 18 miyembro ng Abu Sayyaf na ang inaresto ng NBI.

—Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.