Roque, party-list rep, di pagkasenador, ang tatakbuhan

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2018 08:13 PM

Watch more in iWantTFC

Inihayag ni dating presidential spokesperson Harry Roque nitong Lunes na hindi na siya tatakbo bilang senador sa halalan sa 2019 at sa halip ay tatakbo bilang party-list representative.

Ayon kay Roque, maghahain siya ng kandidatura bilang kinatawan ng Luntiang Pilipinas party-list sa Kamara, taliwas sa mga unang niyang planong tumakbo sa Senado.

"I will actually file tomorrow a certificate of nomination for party-list under Luntiang Pilipinas party-list, which is an environmental party-list group," ani Roque.

Sa muling pagtakbo bilang party-list representative, sinunod umano ni Roque ang payo ni Pangulong Rodrigo Duterte na nauna nang nagsabing hindi siya mananalo sa pagkasenador.

Inamin din ni Roque na malaking bahagi ng kaniyang desisyon ang mababang rating sa mga survey.

Sa kaniyang pagtakbo, tinatalikuran na rin ni Roque ang alok na posisyong press secretary. Bahagi iyon sa plano ng administrasyon na muling buhayin ang Office of the Press Secretary. 

"I did not think that I was the best person for that job because I really am not from the press," sabi ni Roque.

Pero bago pa man ianunsiyo ang kaniyang pagbibitiw bilang tagapagsalita, kinontra na ni Roque ang kaniyang pagtatanggol noon kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kontrobersiyal nitong paghalik sa isang overseas Filipino worker sa Korea noong Hunyo.

Nangyari ang pahayag ni Roque sa kaniyang panayam sa "Gandang Gabi Vice" na umere noong Linggo.

"Eh trabaho ko 'yon eh, trabaho ko talaga 'yon," sabi ni Roque nang tanungin ni Vice Ganda kung bakit niya ipinagtanggol ang paghalik ng pangulo gayong pakiramdam pala ni Roque na hindi ito tama.

"Naniniwala ako na kinakailangang pagsilbihan ang taumbayan sa pamamagitan ng pagsilbi sa presidente at kinakailangan naman na depensahan siya kung wala naman siyang masamang ginawa," paliwanag ni Roque.

Kumpiyansa naman si Roque na maiintindihan ni Duterte ang pahayag niya sa programa, lalo at wala na siya sa gabinete.

"I think the president has always respected who I am... I only want the best for this administration because his success means the success for the entire Filipino people," ani Roque.

Sa Martes nakatakdang maghain ng COC si Roque.

--Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.