Praktis sa pagbubukas ng Boracay, nagsimula na

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2018 08:43 PM

Watch more in iWantTFC

Sinimulan na nitong Lunes ng gobyerno ang dry run o pagsasanay para sa pagbubukas ng isla ng Boracay, na nakatakda sa Oktubre 26.

Sinara noong Abril ang Boracay, na minsang tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na "cesspool" o tapunan ng basura, para sa anim na buwang rehabilitasyon ng sewage system at pagbuwag ng mga ilegal na istruktura.

Sa isang programa sa pagsisimula ng dry run nitong Lunes, sinabi ni Environment Secretary Roy Cimatu na hindi na "cesspool" ang Boracay.

"Boracay is now a sight to behold and the entire island will even be grander in the near future," sabi ni Cimatu.

"We now declare that Boracay is no longer a cesspool," dagdag niya.

Labis din ang pagkatuwa ni Aklan Governor Florencio Miraflores nang makita ang pagbabago sa isla.

Hinimok niya ang mga residente at mga pupunta sa Boracay na tumulong sa pagpapanatili ng kalinisan ng isla.

"Bumalik kayo dito sa Boracay kasi makikita niyo ibang-iba na ang Boracay, a better Boracay," ani Miraflores.

Sa ngayon, 68 establisimyento pa lang ang nakakakuha ng kanilang compliance certificate mula sa Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF). Sila lang ang papayagang mag-operate sa pagbubukas ng isla. 

Pero umaasa ang BIATF na madadagdagan pa ito ng nasa 30 porsiyento bago ang soft opening ng Boracay sa Oktubre 26.

May anim na resort namang nahuli ang BIATF na tumanggap umano ng bookings kahit hindi pa pinahihintulutan.

Isang hindi pinangalanang malaking hotel naman ang nahuling nameke ng kanilang environmental compliance certificate, na ayon kay Cimatu ay mahaharap sa kaukulang kaso.

Ipinapayo naman ng BIATF sa mga nais pumunta ng Boracay na tiyaking compliant o sumusunod sa mga patakaran ng gobyerno ang pipiliing hotel bago mag-book at magbayad. 

--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.