Kontrobersiyal na school admin sa Bicol, naghain ng kandidatura

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2018 05:11 PM

Tatakbo ulit sa pagka-provincial board member ng Camarines Sur ang kontrobersiyal na school administrator na si Alexander Jaucian (nakabughaw na damit/ gitna). Kaalyado niya ang reelectionist governor na si Migz Villafuerte (nakaputing damit). Mylce Mella, ABS-CBN News

Naghain ng kandidatura nitong Lunes sa pagka-provincial board member ng Camarines Sur ang administrador ng isang paaralan sa lalawigan na naging kontrobersiyal dahil sa pag-utos niyang ipasunog ang mga gamit ng ilang estudyante.

Isinumite ni Alexander James Jaucian ang kaniyang certificate of candidacy (COC) para sa muling pagtakbo bilang board member ng ikalawang distrito ng Camarines Sur.

Naging maugong si Jaucian noong Agosto matapos mag-viral sa social media ang *isang video kung saan pinagtataasan niya ng boses ang ilang estudyante sa pinangangasiwaang Bicol Central Academy sa Libmanan, Camarines Sur.

Mapapanood din sa video ang pagsunog sa gamit ng mga estudyante, na umano ay iniutos daw ni Jaucian matapos sumuway ang mga estudyante sa "no bag policy" at utos na magsuot ng formal attire.

Pinaimbestigahan ng Department of Education sa Bicol ang insidente, at napatawan ng 90 araw na suspensiyon si Jaucian sa pagka-administrador at pinagbayad din sa mga ipinasunog na gamit.

Sinubukan ng ABS-CBN News na makapanayam si Jaucian pero tumanggi ito.

Kasabay ni Jaucian maghain ng COC ang mga reelectionist na Villafuerte, na kaniyang mga kaalyado.

Muling tatakbong gobernador ng Camarines Sur si Migz. Mga kongresista naman sa ikalawa at ikatlong distrito ng lalawigan ang tatakbuhin ng ama ni Migz na si LRay at lolo na si Luis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.