HALALAN 2019: Mga naghain ng kandidatura nitong Lunes, Oktubre 15

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2018 03:52 PM | Updated as of Oct 15 2018 08:50 PM

Watch more in iWantTFC

Nagpatuloy nitong Lunes ang paghahain ng kandidatura ng mga nais tumakbo sa halalan sa susunod na taon.

Bukod sa mga nagnanais tumakbo bilang mga opisyal ng mga lokalidad at lalawigan, tinututukan din ang mga tatakbo para sa Kamara at sa 12 bukas na puwesto sa Senado.

Kabilang sa mga nagsumite ng kanilang certificates of candidacy (COC) nitong Lunes ang mga sumusunod:

SENADO

  • Cynthia Villar
    — Kakandidato si Cynthia Villar para sa kaniyang ikalawang termino sa Senado. Siya ang pumangalawa kay kapwa reelectionist senator Grace Poe sa isang Pulse Asia survey na idinaos noong nakaraang buwan, ukol sa 2019 senatorial race.

    Si Villar ang misis ng dating senador na si Manuel "Manny" Villar at siya rin ang chairperson ng Senate committee on agriculture and food. Ilan sa mga ipinasa niyang batas ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, Youth Entrepreneurship Act, at Farm Tourism Development Act of 2016.
     
  • Zajid "Dong" Mangudadatu 
    — Sasabak sa karera sa pagkasenador si Maguindanao 2nd District Rep. Zajid Mangudadatu, na kapatid ni Maguindanao Governor Esmael "Toto" Mangudadatu. Bahagi siya ng senatorial slate ng ruling party na PDP-Laban.
     
  • Gary Alejano
    — Si Gary Alejano ang kasalukuyang kinatawan ng Magdalo party-list sa Kamara at isa sa mga maingay na kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kasama siya sa grupo ng mga sundalong nag-alsa noong 2003 at 2007 para iprotesta ang umano ay katiwalian sa ilalim ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
     
  • Grace Poe
    — Ikalawang termino sa Senado ang hangad ni Sen. Grace Poe sa kaniyang pagtakbo sa darating na halalan. Siya ang nanguna sa survey na idinaos noong nakaraang buwan ng Pulse Asia ukol sa 2019 senatorial race. ​

    Bago mahalal sa Senado noong 2013, nagsilbing chairperson si Poe ng Movie and Television Review and Classification Board, ang opisinang nangangasiwa sa mga pinapalabas sa mga sinehan at telebisyon. 
     
  • Lito Lapid 
    — Hangad ni Lito Lapid na makakuha ng ikatlong termino sa Senado, na pinagsilbihan niya noong 2004 hanggang 2010 at 2010 hanggang 2016. Ilan sa mga ipinasa niyang batas ang Free Legal Assistance Act, at Expanded Senior Citizens Act.​

    Tatakbo naman ang kaniyang anak na si Mark bilang alkalde sa bayan ng Porac, Pampanga.
  • Joseph Victor "JV" Ejercito
    — Kakandidato si Ejercito para sa panibagong termino sa pagkasenador. Unang nahalal si Ejercito sa Senado noong 2016. Bago nito, nagsilbi siyang kongresista ng San Juan at tatlong beses ding naging alkalde ng San Juan mula 2001 hanggang 2010.

  • Christopher "Bong" Go
    — Matapos ang ilang buwang haka-haka, kinumpirma na ni Special Assistant to the President Bong Go ang kaniyang pagtakbo sa Senado sa paghain niya ng COC.

    Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang sumama kay Go sa paghain nito sa kandidatura sa tanggapan ng Comelec sa Maynila.

  • Jude Sabio
    — Tatakbo rin sa pagkasenador ang abogadong nagsampa ng kaso laban kay Duterte sa International Criminal Court dahil sa mga kaso ng umano ay extrajudicial killings kaugnay sa kampanya ng pamahalaan kontra droga.

KAMARA

  • Long Mejia (Camarines Sur, 1st District) 
    — Naghain ng kandidatura ang aktor na si Long Mejia para sa pagkakongresista sa Camarines Sur. Inamin ni Mejia na siya ay taga-Bulacan pero ganoon pa man, handa raw siyang magsilbing sa lugar na pinanggalingan ng kaniyang misis.

LOKAL

  • Migz, LRay at Luis Villafuerte (Camarines Sur)
    — Reelectionists o muling tatakbo para sa panibagong termino sa parehong puwesto ang mga Villafuerte na sina Migz, LRay, at Luis ng Camarines Sur.​

    Muling tatakbo sa pagkagobernador si Migz. Second and third district representatives ng lalawigan naman ang mga puwestong nais mapanalunan ng ama ni Migz na si LRay at lolo na si Luis, ayon sa pagkakabanggit.
  • Juanito Victor "Jonvic" Remulla (Cavite Governor)
    — Muling tatakbo sa pagkagobernador ng Cavite si Remulla, na nagsilbing gobernador noong 2010 hanggang 2016. Magiging ka-tandem niya ang aktor na si Jolo Revilla, na tatakbo naman para sa ikatlong termino bilang vice governor.

  • Sara Duterte-Carpio (Davao City Mayor)
    — Tinapos ni Duterte-Carpio ang mga usaping tatakbo siya sa Senado sa paghain niya ng kandidatura para sa panibagong termino bilang alkalde ng Davao City. Bago maging alkalde, nagsilbi munang vice mayor ng lungsod si Duterte-Carpio. Kamakailan ay nagtatag siya ng bagong regional party, ang Hugpong ng Pagbabago.

  • Antolin "Len Len" Oreta lll (Malabon Mayor)
    — Muling tatakbong mayor ng Malabon si Oreta. Kapag nanalo, iyon na ang magiging huling termino niya sa posisyon.

  • Rex Gatchalian (Valenzuela Mayor)
    — Huling termino sa pagkaalkalde ng Valenzuela ang tatakbuhan ni incumbent mayor Rex Gatchalian, na kapatid ni Sen. Sherwin "Win" Gatchalian.

  • Vincent "Bingbong" Crisologo (Quezon City Mayor)
    — Naghain ng COC sa pagkaalkalde ng Quezon City si Crisologo, na kasalukuyang kongresista ng unang distrito ng lungsod. Running-mate niya ang abogadong si Jopet Sison.

    Ayon kay Crisologo, ang alkalde ng Quezon City ay dapat marunong magdesisyon kung may pasok o wala sa panahon ng kalamidad.

  • Carlito "Bonoy" Gonzaga (Taytay, Rizal Mayor)
    — Tatakbo sa pagkaalkalde ng Taytay, Rizal si Gonzaga, ang kasalukuyang vice mayor. Siya ang ama ng mga celebrity na sina Alex at Toni Gonzaga.

  • Gary Estrada (Cainta, Rizal Vice Mayor)
    — Tatakbong vice mayor ng Cainta, Rizal ang aktor na si Estrada. Ka-tandem naman niya ang tatakbong mayor at incumbent Cainta vice mayor Pia Velasco, isang dating aktres at modelo.

  • Mark Lapid (Porac, Pampanga Mayor)
    — Tatakbo sa pagkaaklade ng bayan ng Porac, Pampanga ang aktor na si Mark Lapid. Dating nagsilbing gobernador ng naturang lalawigan si Lapid, na kilala rin sa pagiging anak ng aktor at dating senador na si Lito Lapid.
     
  • Tomas Osmeña (Cebu City Mayor)
    — Muling tatakbo sa pagkaalkalde ng Cebu City si Tomas Osmeña, na nanguna sa ilang nakabinbing pang proyekto sa lungsod gaya ng Bus Rapid Transit at pag-develop ng Kawit island.​

    Naging laman din ng mga balita si Osmeña kamakailan matapos batikusin ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa umano ay pagiging arogante niya.

Naghain din nitong Lunes ng kandidatura bilang party-list representative ng Kasosyo party-list ang dating Palace Communications official na si Mocha Uson.

Inihayag din ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi na siya tatakbo sa Senado at sa halip ay kakandidato na lang bilang party-list representative ng Luntiang Pilipinas.

--May ulat nina Ron Gagalac, Zen Hernandez, Dennis Datu at Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.