8 estudyante, huli sa magkahiwalay na buy-bust sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2018 07:54 PM | Updated as of Oct 15 2018 08:52 PM

Watch more in iWantTFC

Walong estudyante ang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operation sa lungsod ng Maynila nitong nagdaang weekend. 

Sa Recto, apat na estudyante ang naaresto ng Ermita police noong gabi ng Linggo.

Narekober sa kanila ang dalawang kilo ng marijuana.

Katuwiran ng mga suspek sa mga pulis, iyon daw ang unang beses na nagbenta sila ng droga at sinubukan lamang daw nila ito.

Noong gabi ng Sabado, apat na senior high school student naman ang naaresto sa Taft Avenue dahil sa umano ay pagbenta ng ecstasy. 

Nagpanggap umanong kliyente ang isa sa mga pulis at nakipagtransaksiyon sa mga estudyante sa pamamagitan ng social networking site.

Nasa 230 tableta ng ecstasy ang nakuha ng mga pulis sa mga estudyante na umabot sa halagang P230,000.

Nababahala naman ang Ermita police dahil pawang mga estudyante ang mga nahuli sa mga operasyon.

"Sayang po 'yong oportunidad, na masisira iyong kanilang kinabukasan," sabi ni Superintendent Igmedio Bernaldez, hepe ng Ermita police.

Sinampahan ng kasong illegal possession at pagbebenta ng ilegal na droga ang mga hinuling kabataan.

--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.