Napatay sa Antipolo City ang tatlong lalaking idinadawit sa sari-saring krimen matapos makaengkuwentro ang mga awtoridad nitong umaga ng Lunes.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga nasawing suspek bilang sina Jhay-Ar Dispojo, Darry Alvarado, at Mark Bañares, na pawang mga miyembro umano ng grupo ng mga gun-for-hire, carnapper at holdaper na umaatake sa Metro Manila at Antipolo.
Maghahain sana ng search warrant ang pinagsamang puwersa ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) regional police, Rizal Highway Patrol Group, at Antipolo City police sa bahay ni Dispojo sa Barangay Cupang.
Pero nanlaban umano ang mga suspek, na armado raw noong mga panahong iyon, kaya nagkaroon ng engkuwentro na ikinasawi ng tatlo.
Bukod sa mga baril, nakuha rin sa mga suspek ang mga na-carnap o natangay na sasakyan na dinikitan ng mga sticker ng Philippine National Police.
Apat na iba pa ang naaresto ng mga awtoridad sa insidente, kabilang ang isang buntis na kinakasama umano ng isa sa mga napatay.
Isasailalim daw sa drug test ang mga naaresto at aalamin kung sangkot din sila sa mga krimen.
Napasugod ang kapatid ng isa sa mga napatay at sinabing ikinalungkot niya ang sinapit ng kapatid pero sinunubukan na rin daw niya itong pangaralan para magbagong buhay. --Ulat ni Kevin Manalo at Zhander Cayabyab, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, krimen, gun-for-hire, carnapping, holdap, engkuwentro, nanlaban, Antipolo City, carnapper, holdaper, nanlaban, TV Patrol, Kevin Manalo