UV express driver patay sa pamamaril sa QC

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2017 07:43 AM | Updated as of Oct 15 2017 07:49 AM

MANILA - Patay ang isang UV express operator-driver matapos pagbabarilin sa Sto. Niño St., Brgy. San Antonio, Quezon City.

Kinilala ang biktima sa na si Matias Cuya, 40 anyos, na nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at dibdib.

Ayon kay PO3 George Caculba, base sa kwento ng saksi, riding-in-tandem ang bumaril sa biktima.

Kwento naman ng kaibigan ng biktima, chairman ng kooperatiba ng UV express sa isang mall sa QC si Cuya. Dati rin itong taxi driver at nagkaroon ng katungkulan sa isang asosasyon naman ng mga taxi driver.

Inamin ng kaibigan ng biktima na "may mabigat na dahilan" kung bakit nangyari ang insidente -- ngunit tumanggi itong ipaliwanag ang naturang pahayag.

Walang CCTV sa lugar at tikom din ang bibig ng mga residente, ngunit sinabing mabait at walang kaaway ang biktima.

Inaalam na ng mga otoridad kung may kaugnayan sa asosasyon ni Cuya ang motibo sa pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.