Suspek sa 2016 Davao bombing, sumuko sa Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2017 07:32 PM

Sumuko na ang isa sa mga iniuugnay sa Davao City night market bombing noong Setyembre ng nakaraang taon.

Nagtungo sa Cotabato City Police Office pasado ala-1 ng hapon nitong Linggo, Oktubre 15, ang 20 anyos na si Mohammad Chenikandiyil alyas "Boy" kasama ng kaniyang abogado.

Ayon kay Cotabato City Police Director Rolly Octavio, kabilang si Chenikandiyil sa arrest order number 2 na inilabas ng Department of National Defense.

May kinakaharap siyang kasong rebelyon at iniugnay rin sa Davao City bombing noong Setyembre 2016.

Ayon sa abogado ng suspek, sumuko sa pulisya si Chenikandiyil upang linisin ang kaniyang pangalan matapos na i-ugnay sa Davao bombing.

Nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group si Chenikandiyil na sumailalim na rin sa booking procedure.

Hindi bababa sa 14 ang patay sa pambobomba sa Davao City night market noong Setyembre 2, 2016.

Mahigit 60 iba pa ang sugatan sa pag-atake. 

Ilang miyembro ng Maute group ang inaresto noon matapos isangkot sa pambobomba. 

Naunang inako ng Abu Sayyaf ang pag-atake.

-- Ulat ni Jasper Acosta, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.