Paring 'Yolanda' survivor, itinalagang obispo sa Naval, Biliran

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2017 08:51 PM

BILIRAN - Isang paring nakaligtas sa hagupit ng bagyong Yolanda noong 2013 ang napiling maging bagong obispo ng Diocese of Naval sa lalawigan ng Biliran.

Hindi makapaniwala si Msgr. Rex Ramirez sa natanggap na sulat mula sa Santo Papa na nagsasabing siya ang bagong talagang obispo sa Naval bilang kapalit ni Bishop Felomino Bactol na magreretiro na sa serbisyo.

Ayon kay Ramirez, hindi niya maipaliwanag ang kanyang nararamdaman sa natanggap na grasya.

"Mahirap i-describe ang feelings kasi marami akong iniisip, kasi hindi lang... of course many would think of it as a promotion but (it) also means iiwanan ko ang Archdioces of Palo, lilipat ako sa ibang lugar na hindi ko gaano kilala," aniya.

Kabilang si Ramirez sa mga nakaligtas noon sa hagupit ng bagyong Yolanda kung saan ay nakaranas siya ng mataas na tubig baha sa Sacred Heart Seminary sa Palo, Leyte.

Isa rin siya sa mga naghanda sa pagbisita ni Pope Francis matapos manalasa ang bagyo.

"This is a good sign. Ibig sabihin the Church recognizes that we can contribute to the universal church, that some of our priests can help serve the church as bishops," ani Ramirez.

Noong Biyernes inanunsiyo ni Palo Archbishop John Du ang appointment ni Ramirez bilang bagong obispo ng Naval.

Matatandaan na noong 2015, napili rin ni Pope Francis ang isa pang Yolanda survivor na si Bishop Oscar Jaime Florencio bilang auxiliary bishop ng Cebu.

"It's like the visit of the Holy Father, it's an assurance that we are being helped, that we are being guided, that the Lord is continuous to be with us," ani Ramirez.

Kasabay sa pagiging obispo ni Ramirez ang mga bagong hamon na kanyang haharapin, kabilang na ang iba't ibang mga isyu sa simbahan at ang mga nangyayari sa buong bansa. Pero ayon sa kanya, kabilang ito sa kanyang mga magiging obligasyon sa magbantay sa mga nangyayari sa kumunidad.

"That’s part of the obligation of bishops to take care of the flock of the entire country. ...In my own diocese, I will be able to make my own decisions," aniya.

Walang itinakdang petsa sa buwan ng Enero sa susunod na taon ang ordiansyon kay Ramirez ngunit naghahanda na ang Archdiocese of Palo para dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.