PatrolPH

Mga lalahok sa tigil-pasada, tatanggalan ng prangkisa?

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2017 08:12 PM

Libu-libong jeepney driver mula sa iba't ibang bahagi ng bansa ang inaasahang makikilahok sa malawakang kilos-protesta sa Lunes, Oktubre 16.

Layunin ng protesta, na pangungunahan ng grupong Piston, na tutulan ang jeepney modernization program ng pamahalaan.

Dahil sa tigil-pasada, isinuspinde ng Malacañang ang klase sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong paaralan sa buong bansa.

Suspendido rin ang trabaho sa pamahalaan at mga korte.

Inanunsyo din ng Department of Foreign Affairs na sarado ang kanilang opisina, kaya ipinapabalik na lang sa ibang araw ang may appointment ukol sa pasaporte.

Ayon kay George San Mateo, pangulo ng Piston, sinadya ng Palasyo na magsuspinde para mawalan ng gana ang mga lalahok sa protesta.

Tatanggalan ng prangkisa

Minaliit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang protesta dahil isang grupo lang umano ang kasali.

Nagbanta rin LTFRB na tatanggalan ng prangkisa ang mga lalahok.

"We are in coordination with the LTO (Land Transportation Office) for their enforcers to check on 'yong mga jeepneys na sasama sa strike na 'yan kasi bawal na bawal 'yung ginagawa na tinatakpan ang plate numbers," ani Aileen Lizada ng LTFRB.

Nakipag-ugnayan na rin ang National Capital Region Police Office para sa karagdagang puwersa ng kapulisan.

May inihanda nang mga bus at government vehicle ang Metro Manila Development Authority at LTFRB para sa mga apektadong pasahero.

Samantala, sa Davao City, nakahanda rin ang lokal na pamahalaan para sa libre sakay.

Sa Pampanga, 7,000 tsuper ang lalahok sa protesta subalit hindi inobliga na isama ang iba.

-- May ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.