Bakbakan sa Marawi, sinisikap na tapusin ng militar

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2017 08:05 PM

Sinimulan nitong Sabado, Oktubre 14, ang "final assault" ng militar para tuluyang wakasan ang giyera laban sa teroristang grupong Maute sa Marawi City.

Kasabay ng walang patid na buhos ng ulan, wala ring tigil ang putok at pagsabog sa "main battle area" sa lungsod.

Ayon kay Colonel Romeo Brawner, deputy commander ng Task Group Ranao, mahigit 20 mula sa tropa ng pamahalaan ang nasugatan sa sagupaan kamakailan.

Kabilang dito ang isang battalion commander na tinamaan ng ligaw na bala sa paa.

Sa kabila nito, nailigtas ng militar noong Sabado ang 16 anyos na babae.

Kuwento ng dalagita, puwersahang pinalalaban ng mga Maute ang mga bihag na babae at bata kontra militar.

"These are desperate measures... sometimes pinapatakbo po nila 'yong mga hostage and they wait if there is [artillery] fire coming from the government side," ani Brawner.

Ito ang ikasiyam na target date na itinakda ng Armed Forces of the Philippines para tapusin ang krisis sa Marawi.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.