Bagong mall hours simula Lunes

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2017 09:04 PM

Maraming motorista at commuters ang naipit sa matinding trapiko nitong Biyernes, Oktubre 13, dulot ng pinagsama-samang masamang panahon, "suweldo Friday", at sale ng isang malaking mall sa EDSA.

Pero inaasahan ng MMDA na gagaan kahit paano ang trapiko dahil simula Lunes, Oktubre 16, mababago na ang oras ng operasyon ng malls.

Sa ilalim ng bagong schedule ng operasyon ng malls, mula Lunes hanggang Biyernes, magbubukas ang mga mall ng alas-11 ng umaga at magsasara alas-10 ng gabi. 

Tuwing Sabado, Linggo at mga pista opisyal, alas-10 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi ang operasyon ng mga mall.

Mall hours simula Oktubre 16:

Lunes - Biyernes
11 A.M. - 10 P.M.

Sabado - Linggo at Pista Opisyal
10 A.M. - 9 P.M.

Bukod pa ito sa napagkasunduang walang mall sale kapag Biyernes.

Ayon sa isang malaking grupo ng malls, nakiisa sila sa panawagan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) para na rin sa kapakanan ng mamimili.

Saad ng pahayag ng SM Supermalls management: "SM Supermalls will support the request of the Metro Manila Development Authority on the holiday mall hours schedule. We would like our customers to have the most convenient experience this coming Christmas season." 

Sumang-ayon naman ang ilang motorista at mamimili sa bagong malls hours para sa Kapaskuhan.

Magtatagal hanggang Enero 15, 2018 ang ipatutupad na bagong mall hours.

-- Ulat ni Abner Mercado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.