1 patay sa paghampas ng malalakas na alon sa Zamboanga

ABS-CBN News

Posted at Oct 15 2017 06:27 PM | Updated as of Oct 15 2017 07:58 PM

Nawalan ng bahay ang aabot sa mahigit 100 residente, habang isa ang naiulat na patay matapos hampasin ng mga malalakas na alon ang ilang barangay sa may baybayin ng Zamboanga City.

Kuha ng Zamboanga City Disaster Risk Reduction and Management Office

Lagpas 130 tirahan ang napinsala ng mga malalakas na alon nitong Linggo ng madaling araw sa mga barangay ng Patalon at Labuan.

Nailikas naman ang mga residente subalit ang ilan ay wala nang naisalba sa kanilang mga kagamitan.

Mga lumikas na residente ng Barangay Labuan. Kuha ng Zamboanga City Disaster Risk Reduction and Management Office

Isang matandang lalaki sa Barangay Labuan ang kompirmadong patay matapos tangayin ang kaniyang bahay.

Kuha ni Jewel Reyes

Lubog din sa tubig-baha ang mga bahay sa Barangay Vitali matapos umapaw ang ilog sa lugar dahil sa walang tigil na pag-ulan.

Mga residente ng Barangay Vitali. Kuha ni Jewel Reyes

Ayon sa PAGASA, bunsod ng inter-tropical convergence zone ang malalakas na ulang bumalot sa ilang bahagi ng bansa, kabilang ang tangway ng Zamboanga.

Nailigtas naman ng Philippine Coast Guard ang 31 mangingisda matapos tumaob ang sinasakyang fishing boat dahil sa alon.

Ayon sa isang mangingisda, halos dalawang oras silang lumulutang sa dagat bago maisalba ng mga awtoridad.

Walang naiulat na nasawi sa mga mangingisda.

Sinuspinde ng Philippine Coast Guard ang mga biyahe ng mga barko at maliliit na bangka.

Nalubog din ang mga palayan sa Zamboanga City.

-- Ulat ni Noning Antonio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.