PatrolPH

Tagaytay nakamit na ang herd immunity kontra COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2021 02:54 PM

Tanawin mula sa Tagaytay Picnic Grove noong Setyembre 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File
Tanawin mula sa Tagaytay Picnic Grove noong Setyembre 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

CAVITE — Nakamit na ng Tagaytay City ang herd immunity kontra COVID-19 matapos mabakunahan ang 70 porsiyento ng populasyon ng siyudad laban sa sakit.

Ayon kay Tagaytay City Councilor Athena Tolentino, nakamit na ng lungsod ang herd immunity matapos mabakunahan ang kabuuang 56,638 indibidwal o katumbas ng 70 porsyento ng mga residente sa lungsod.

Nasa 83,320 ang mga rehistradong residente sa Tagaytay.

Ayon kay Dr. Liza Capupus, city health officer ng Tagaytay, binabakunahan na rin ang mga nagtatrabaho sa lungsod kahit hindi residente, at pinaghahandaan na rin ang pagbabakuna sa mga menor de edad.

Sa bayan ng Indang na may target population na 53,750, nakakumpleto na ng bakuna ang 17,850 indibidwal o katumbas ng 33 porsyento, batay sa impormasyon sa mayor’s office.

Umabot naman na sa 27,634 ang nakakuha ng unang dose, o 51 porsyento ng populasyon.

Nakakumpleto na rin ng bakuna ang 37 porsyento ng target mabakunahan sa Dasmariñas City o katumbas ng 193,571 indibidwal, ayon sa City Health Office.

Nasa 238,924 ang nakatanggap na ng first dose o 46 porsyento ng 519,863 na target mabakunahan.

Sa bayan ng Tanza, 36,601 o katumbas ng 20 porsyento ng 185,000 na target population ang nabakunahan na, ayon kay municipal health officer Dr. Ruth Punzalan.

Pero kung isasama ang 59,991 na nakatanggap ng first dose ay umabot na sa 52 porsyento ang lahat ng nabakunahan sa bayan.
Samantala, 164,705 na ang nakatanggap ng second dose sa Imus kung saan bumababa na rin ang mga kaso ng COVID-19.

— Ulat ni Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.