Nagpaalala ngayong Huwebes ang pulisya sa publiko na iwasan ang pagiging mainitin ang ulo sa kalsada.
Ito'y matapos ang isang insidente kung saan hinataw ng tubo ng isang bus driver ang nakagitgitan umano niyang delivery rider sa Quezon City.
"Habaan natin ang ating pasensiya dahil marami tayong na-encounter sa daan, mainit ang ulo natin... consider natin ang safety when traveling sa highway," sabi ni Police Lt. Col. Alexy Sonido, hepe ng Quezon City Police District Station 6 (Batasan).
Nag-viral sa social media kamakailan ang video ng pagharang ng mga tao sa isang bus sa Commonwealth Avenue matapos umanong hatawin ng driver nito na si Andy Nicolas ang rider na si Omar Patahasa Jr.
Kita sa video ng insidente, na nangyari noong Linggo, na duguan si Patahasa.
Ayon kay Sonido, hindi nagbibigayan sa daan ang 2 motorista at ginitgit ni Nicolas si Patahasa Jr. kaya nang komprontahin ng rider ang bus driver, hinampas siya nito ng tubo.
Dahil maraming nakakita sa nangyari, nagtulong-tulong ang mga motorista na harangin ang bus para hindi makatakas si Nicolas.
Naaresto ng Batasan police si Nicolas, na kinasuhan ng reckless imprudence resulting in physical injuries, pero nakapagpiyansa na umano.
Patuloy namang nagpapagaling sa ospital si Patahasa, na inoperahan dahil sa nangyari.
Samantala, arestado rin ng Batasan police ang 29 anyos na si Alfredo Reyes III matapos patayin ang sariling ama dahil paulit-ulit umano siyang pinapagalitan.
Taong 2014 pa nangyari ang krimen pero nagtago ang suspek, ayon sa mga pulis.
Aminado si Reyes, na isa sa itinuturing na "most wanted" sa Quezon City, sa ginawa ito dahil sinasaktan umano siya ng ama.
— Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.