PatrolPH

Presidential candidate Manny Pacquiao tutol sa 'atras-abante' na kandidatura

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2021 05:20 PM

Kuha mula sa Team Pacquiao
Kuha mula sa Team Pacquiao

LIPA CITY, Batangas— Hindi matapos ang usapin sa posibleng pagtakbo ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa pagkapangulo sa Halalan 2022 kahit pa paulit-ulit na nitong sinabi na hindi tatakbo. 

Nakadagdag pa sa hinala ng marami ang sinabi ni Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa na handa siyang umatras bilang presidential bet ng PDP-Laban faction sa ilalim ni Energy Secretary Alfonso Cusi sakaling tatakbo nga ang anak ng pangulo sa pamamagitan ng substitution. 

Pero si presidential aspirant Sen. Manny Pacquiao hindi pabor sa atras-abanteng anunsiyo ng kandidatura. 

"“Kung anong desisyon ko desisyon ko, hindi 'yung pabago-bago. Kailangan meron tayong sariling desisyon kung tutuloy o hindi, hindi 'yung atras-abante. Delikado 'yan kapag ganyan ang mamuno kasi hindi sigurado ang desisyon niya," ani Pacquiao.

Sakali namang hindi umatras si Dela Rosa, na kaibigan at kapwa Mindanaoan ni Pacquiao, ipinauubaya niya sa tao ang desisyon kung sino ang iboboto sa kanilang dalawa. 

"Tao naman ang pipili eh, taong bayan ang pipili so ipaintindi natin sa taong bayan 'yung magaganda nating mga programa para sa kaunlaran ng ating bansa," ani Pacquiao. 

Tiniyak naman ni Pacquiao na tuloy na tuloy na at walang atrasan ang kaniyang pagtakbo ganun din ng running mate na si Buhay Party-list Rep. Lito Atienza. 

Katunayan, dumayo pa si Pacquiao, kasama ang maybahay na si Jinkee Pacquiao at si Atienza, sa Batangas nitong Huwebes. 

Una itong pumunta sa palengke ng Lipa City para bumili ng kapeng barako, tinikman ang loming batangas at nag-courtesy call kay Lipa City Mayor Eric Africa at Sen. Ralph Recto. 

Si Recto ay sumusuporta sa kandidatura ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa pagka-pangulo.

Nagkaroon din sila ng closed-door meeting kay Archbishop Gilbert Garcera at namahagi ng ayuda sa nasa 4,000 residenteng apektado ng Taal Volcano eruption at COVID-19 pandemic sa bayan ng Balayan. 

Nakatakda naman silang maghapunan kasama ang ilang mga pastor. 

Samantala, itinanggi naman ni Pacquiao na mayroong paguusap na nangyayari sa pagitan niya at kampo ni Vice President Leni Robredo, na tatakbo sa pangka-pangulo bilang independent candidate. 

— Ulat ni Andrew Bernardo 

KAUGNAY NA VIDEO: 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.