TFC News

Dalawang Pinay teens, panalo sa Youth Weightlifting Championships sa Jeddah

Jerome Fadriquela | TFC News

Posted at Oct 14 2021 01:10 PM

JEDDAH - Dalawang kabataang Pinay ang nakasungkit ng mga medalya at karangalan para sa bansa sa katatapos na 2021 International Weightlifting Federation (IWF) Youth World Championships na ginanap sa Jeddah, Saudi Arabia noong October 5-12, 2021.

Nanalo ng dalawang gold medals si Rose Jean Ramos, 16 taong-gulang, sa Snatch Category at isang silver medal sa Clean & Jerk Category sa 45 kilogram division noong October 6, 2021.

Dalawang Pinay teens, wagi
(Mula kaliwa) Coach Allen Jayfrus Diaz, Rose Jean Ramos, at Consul General Edgar Tomas Auxilian (Jeddah PCG photo)

Unang nakuha naman ni Jeaneth Hipolito, 14 taong-gulang ang bronze medal sa Snatch Category sa 40-kilogram division noong October 5, 2021.

2 Pinay teens wagi sa Jeddah
(Mula kaliwa) Adrian Cristobal, Coach Allen Jayfrus Diaz, Jeaneth Hipolito, Consul General Edgar Tomas Auxilian at Vice Consul Alfred Kristoffer Guiang. (Jeddah PCG photo)

​Binati ni Philippine Consul General to Jeddah Edgar Tomas Auxilian ang dalawang weighlifters sa kanilang tagumpay. Pinasalamatan din ni Auxilian ang buong Philippine delagation dahil sa kanilang karangalang ibinigay sa Pilipinas. Nakipagkita ang Philippine delegation sa Philippine Consulate officials matapos ang kumpetisyon.

Philippine delegation sa Jeddah
Si Philippine Consul General to Jeddah Edgar Tomas Auxilian habang kausap ang Philippine delegation sa 2021 IWF Youth World Championships sa Jeddah. (Jeddah PCG photo)

Kasama sa delegasyon ang tatlong lalaking atleta, tatlong babaeng atleta at kanilang dalawang coach.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Jeddah,tumutok sa TFC News sa TV Patrol.

Source: DFA website