Senado, hindi inaprubahan ang budget proposal ng PH Coconut Authority para sa 2022

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2021 08:15 PM

MAYNILA - Hindi pa inaprubahan ng Senado nitong Huwebes ang panukalang budget ng Philippine Coconut Authority (PCA) sa susunod na taon.

Nasa P1.109 billion ang panukalang pondo ng PCA para sa 2022 pero pinarerepaso ito ni Sen. Cynthia Villar.

Utos niya sa ahensya, gawing detalyado ang budget proposal.

Bahagi kasi ng budget proposal ay ang pagkakaroon ng Coconut Development Project, Seed Plant Development Project, at Fertilization Project.

Tanong ni Villar, saan itatayo ang mga ito?

Kaya iniutos niya sa PCA na tukuyin isa-isa kung saan itatayo ang mga proyekto.

Ipinasisiguro din ni Villar sa PCA na hindi nadodoble ang kanilang mga proyekto gaya sa fertilization kaya dapat daw makipag uganayan muna sa Bureau of Soil Water Management.

Bago anya iendorso sa plenaryo ang budget ng ahensya ay kailangan munang isimite ang mga hinihingi nila dahil panigurado ayon kay Villar na ito rin ang itatanong ng mga kapwa niya senador.

VIRGIN COCONUT OIL

Samantala, hiningan ni Sen. Kiko Pangilinan ang PCA ng kongkretong plano para sa industriya ng niyog. 

Lumilitaw kasi sa mga pagsasaliksik na potensyal na panlaban sa COVID-19 ang virgin coconut oil.

Sabi ni Pangilinan, kailangang ihanda ang coconut industry dahil kung sakali, buong mundo ang magiging merkado ng virgin coconut oil mula sa Pilipinas.

Nangako naman si PCA Administrator Benjamin Madrigal Jr. na magsusumite ng written report.

Sabi ni Madrigal, nasa P346 million ang mga puno ng niyog sa buong bansa at may report na P10,000 kada taon o P1,500 lang kada buwan ang kita ng mga magniniyog.

Sa budget hearing din, pinagsabihan ni Senator Cynthia Villar ang PCA na palawakin ang potensyal ng coconut industry dahil maraming produkto na maaaring manggaling dito.

Halimbawa aniya ang coco water at coco sugar na nasaksihan ni Villar na mabentang-mabenta sa isang trade fair sa Germany, pero walang nanggaling dito sa Pilipinas samantalang isa ito sa mga bansa na pinakamalaking pinanggagalingan ng niyog.

-- Robert Mano, ABS-CBN News

PANOORIN

Watch more on iWantTFC