PatrolPH

Batangas Port naglaan ng special lane para sa mga maghahatid ng oxygen tanks

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2021 03:16 PM | Updated as of Oct 14 2021 06:21 PM

(UPDATE) Naglaan na ng special lane sa Batangas Port para sa mga maghahatid ng oxygen tanks sa iba-ibang probinsiya, sabi ngayong Huwebes ng opisyal ng lokal na Philippine Ports Authority (PPA).

Ayon kay PPA Batangas General Manager Joselito Sinocruz, magagamit ang lane ng mga magdadala ng mga tangke sa Occidental at Oriental Mindoro, Aklan, Capiz, Iloilo, Rombolon, Masbate at Bacolod City.

Binuksan ang lane matapos itong hilinging sa PPA ng lokal na pamahalaan ng Calapan City sa harap ng kakulangan ng supply ng mga tangke sa Oriental Mindoro, na nakararanas ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

"Though si Calapan city government ang nag-initiate ng request sa PPA Batangas Port, I made sure na 'di siya exclusive sa Oriental Mindoro so as to address na rin same problem of other provinces," ani Sinocruz sa isang text message.

Marami kasi sa mga ospital sa Oriental Mindoro ang kinukulang na ng oxygen tank dahil na rin sa pagdami ng mga pasyenteng may COVID-19.

Sa pinakahuling tala, may 908 active COVID-19 cases na ang Oriental Mindoro.

Samantala, sa Calapan City, nagpatupad na ng mga granular lockdown sa mga kalye at sitio na may matataas na kaso ng COVID-19.

Hindi pinapayagang makalabas ang mga residente maliban sa mga naghahanapbuhay at bibili ng pagkain, pero kailangan may quarantine pass sila.

Nag-iikot na rin ang mga tauhan ng city disaster office at public safety department sa mga establisimyento at opisina para tiyaking nasusunod ang mga health protocol.

Karamihan din kasi sa mga naitatalang bagong kaso sa lungsod ay galing umano sa mga tanggapan ng gobyerno.

Hinala ni Calapan Mayor Arnold Panaligan ay Delta variant ang tumama sa kanilang lugar dahil sa bilis ng pagdami.

Pagbabakuna pa rin ang solusyong nakikita ng alkalde pero hindi aniya sapat ang dumarating na bakuna sa lugar.

Nasa 27 porsiyento pa lang sa target na 102,000 residente ng Calapan ang fully vaccinated laban sa sakit.

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.