PatrolPH

American citizen na wanted sa kasong child molestation, huli sa Mandaluyong

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2021 03:40 PM


MAYNILA— Arestado ang isang American citizen na may kinakaharap na kasong child molestation sa Amerika sa isang operasyon ng mga awtoridad nitong Huwebes.

Dinampot ang 48-anyos na suspek na si Francisco Loreno Jr. sa tinutuluyan nitong hotel sa Mandaluyong City sa bisa ng mission order mula kay Immigration Commissioner Jaime Morente.

Ayon sa Philippine Coast Guard, unang nakipag-ugnayan sa Bureau of Immigration ang US Embassy sa bansa para i-monitor ang pagdating ng suspek lulan ng isang Japan Airlines flight.

Tumuloy ang suspek sa isang hotel sa Mandaluyong noong Oktubre 8 kung saan siya minanmanan ng mga awtoridad.

Ayon sa PCG, idiniretso ang suspek sa US Embassy para sa agarang repatriation nito sa Amerika para harapin ang kanyang kaso.

 
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.