Shabu, balisong, nakumpiska sa 2 lalaki sa Pasay at Las Piñas

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2020 06:08 AM

MANILA - Kulong ang inabot ng dalawang lalaki sa Pasay at Las Piñas City matapos mahulihan ng droga at patalim sa magkahiwalay na inspeksyon ng pulis Martes ng hapon. 

Inaresto ang isang 21-anyos na lalaki dahil sa nakitang lamang hinihinalang shabu sa bag habang papasok sa mall sa Pasay. 

Ayon sa Southern Police District, iniinspeksyon ang body bag ng lalaki sa entrance ng Baclaran Terminal Plaza Mall nang mapansin ng sekyu ang isang sachet na may umano'y shabu sa loob.

May nakita ring drug paraphernalia tulad ng foil at lighter. 

Samantala, dinala sa presinto sa Las Piñas ang isang 45 anyos na lalaking taga-Cavite nang makuhaan ng patalim. 

Ayon sa police report, unang nasita ang lalaki sa CV Starr Avenue sa Bgy. Pamplona Dos dahil wala siyang suot na face mask. 

Nagsasagawa noon ang mga umarestong pulis ng Oplan Galugad sa lugar. 

Sa karagdagang inspeksyon, nadiskubre ang 9-pulgadang balisong sa lalaki. 

Kaya bukod sa paglabag sa ordinansa sa pagsuot ng face mask, nahaharap din ang lalaki sa kasong illegal possession of bladed weapon. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.