PatrolPH

Mga pasahero nahirapan sa pagsakay dahil sa pag-ulan

ABS-CBN News

Posted at Oct 14 2020 12:31 PM | Updated as of Oct 14 2020 12:46 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Maagang kalbaryo ang dinanas ng mga commuter nitong umaga ng Miyerkoles matapos bumuhos ang malakas na ulan sa Metro Manila, dahilan para mabasa ang mga pasahero habang naghihintay na makasakay ng mga pampublikong sasakyan.

Sa gitna ng walang humpay na ulan, hirap ang mga pasahero ng bus na biyaheng Quezon Avenue-Angat. Dahil kasi sa bagong ruta, marami sa kanila ang naglakad ng malayo.

"Ang hirap. Ang layo ng nilalakad... tapos dito [sa] sakayan, nakakalito," anang commuter na si Alex Lotto.

"Nakakahingal. Nasa 30 minutes din kami naglakad," sabi naman ni Gerald Garcia.

Pagdating sa sakayan, kaniya-kaniyang sampa na sila sa mga bus.

Wala nang pila kaya hindi na rin nakukuhanan ng temperatura ang mga pasahero—isang paraan ng pag-iingat laban sa pagkalat ng COVID-19—bago sumakay.

"Sa loob na kinukuhanan para mabilis ang sakay. Basta ang importante may face mask at face shield," paliwanag ng konduktor na si Gerald Osnia.

Ipinatupad na rin ang one-seat apart sa mga pampublikong transportasyon ngayon.

Game naman ang mga konduktor ng bus sa one-seat apart policy dahil mas marami anila silang maisasakay.

Ayon sa mga konduktor, kung dati ay 30 lang ang naisasakay ng 60-seater na bus, ngayo'y puwede na itong umabot hanggang 45.

"Puwede na rin tabi-tabi basta may barrier o may UV light for disinfection," ani Transportation Assistant Secretary Hope Libiran.

May ilang bus namang gusto munang hintayin ang memorandum ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board bago ipatupad ang one-seat apart policy.

Martes nang ianunsiyo ng Malacañang na inaprubahan ng gabinete ang pagpapatupad ng one-seat apart policy sa mga pampublikong sasakyan.

-- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.